
Tinanghal na kampeon ang debate team ng University of Saint Louis Tuguegarao (USLT) sa championship match ng kauna-unahang Cagayan Asian Parliamentary Debate Invitational 2026, na ginanap ngayong Huwebes, Agosto 20, sa CPIO-TeleRadyo Studio sa Kapitolyo ng Cagayan.
Nasungkit ng USLT ang kampeonato at nag-uwi ng P25,000 cash prize. First runner-up ang St. Paul University Philippines (SPUP) na tumanggap ng P15,000, habang second runner-up naman ang International School of Asia and the Pacific (ISAP) na nag-uwi ng P10,000.
Samantala, kinilala bilang Best Speaker si Hannah Alexis M. Daliuag ng SPUP. Bukod sa cash prizes, tumanggap din ng plake, medalya, at certificates of recognition ang mga nagwagi.
Naging sentro ng mainit na debate ang mga napapanahong isyu na nagbigay-daan sa matinding palitan ng katuwiran, ideya, at pananaw ng mga kabataang kalahok.
Kabilang sa mga debate team na lumahok ang mga debater mula sa USLT, ISAP, SPUP, University of Cagayan Valley (UCV), Medical Colleges of Northern Philippines (MCNP), at Cagayan State University (CSU)-Aparri Campus.
Samantala, nagbigay rin ng inspirasyon si Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay sa mga kabataang dumalo at kalahok sa aktibidad. Binigyang-diin niya ang patuloy na pagsusumikap ng kanyang administrasyon na isulong ang mga programa at aktibidad para sa kapakanan at pagpapaunlad ng kabataan sa Cagayan.
“We are carrying out these activities to prepare our youth for the future of Cagayan. At walang minimithi ang inyong Tatay Egay kundi ang tagumpay ninyong lahat,” ani Gobernador Aglipay.
Naging daan din ang aktibidad upang mapalakas ang tinig ng mga kabataan at mahubog ang kanilang kakayahan bilang responsableng mamamayan at mga susunod na lider sa kanilang mga komunidad.
Ang kauna-unahang Cagayan Asian Parliamentary Debate Invitational 2026 ay bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2026 sa lalawigan ng Cagayan.
Isinakatuparan ang aktibidad sa pangunguna ni Ex-Officio Board Member Jirowell Alameda, Provincial SK Federation of Cagayan, katuwang ang Cagayan Provincial Information Office (CPIO), at Provincial Youth Development Office.







