Kasado na ang pag-arangkada ng Ultimate Frisbee Tournament sa Lalawigan ng Cagayan kasabay ng ika-44nd Aggao Nac Cagayan na gaganapin sa Cagayan Sports Complex.

Sinimulan ang naturang tournament sa pamamagitan ng Ultimate Frisbee Clinic ngayong Sabado, Hunyo 21, 2025 bago ang pagsisimula ng tournament proper bukas, Hunyo 22, 2025.

Sa panayam kay Von Guillermo, Tuguegarao Ultimate Frisbee Community President, dinaluhan ito ng aabot sa humigit-kumulang 30 manlalaro ng Frisbee mula sa Isabela at sa Cagayan.

Paliwanag ni Guillermo, layunin ng aktibidad na hasain ang kasanayan ng mga manlalaro kung saan tinalakay ang mga panuntunan sa tamang paglalaro, mga Frisbee Drills, at mga kaalaman na may kaugnayan sa epektibong diskarte, throwing techniques, field positioning, at iba pang makatutulong sa mahusay na paglalaro ng Frisbee.

Sinabi nito na bukas ay magsisimula na ang tournament proper kung saan maghaharap ang mga manlalaro mula sa Isabela at Cagayan. Nabatid naman na aabot sa 80 atleta ang kasama sa tournament.

Samantala, ito na aniya ang ikalawang pagkakataon na mapasama ang Ultimate Frisbee Tournament sa Aggao Nac Cagayan kung saan nauna itong isinagawa noong taong 2022.