Kinilala ang husay at talino ng mga kabataang Tuguegaraueño sa pandaigdigang entablado matapos magwagi ng mga medalya ang tatlong mag-aaral ng University of Saint Louis–Tuguegarao (USLT) sa ginanap na International Science Olympiad Competition of Southeast Asia (ISOCSEA) 2025 nitong Disyembre 19–22, 2025 sa Osaka, Japan.

Ang nasabing kompetisyon ay dinaluhan ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia at mga karatig-rehiyon na nagtagisan ng talino sa larangan ng agham.

Nasungkit ni Zaira Athena Lavadia Fernando ang Silver Medal, habang Bronze Medal naman ang naiuwi nina Mary Francesca Andrea Calagui Damaso at Angelica Domingo Marquez. Ang tatlo ay kasalukuyang nasa ika-siyam na baitang ng USLT.

Patuloy na pinatutunayan ng mga kabataang Cagayano ang kanilang husay at talino sa iba’t ibang larangan, isang malinaw na patunay na kayang makipagsabayan at ipagmalaki ang talino at talento ng bawa’t Cagayano sa anumang pandaigdigang entablado.