
Pinasinayaan na ang bagong tatlong pasilidad ng Provincial Stock Farm (PSF) ng Provincial Veterinary Office (PVET) sa Lannig, Solana, Cagayan sa pangunguna ni Gob. Manuel Mamba ngayong Miyerkules, Mayo 07, 2025.
Ang mga pasilidad na ito ay kinabibilangan ng calf pen, cow shed, at silage dome na pinondohan ng Provincial Government of Cagayan (PGC) ng mahigit P12.4 milyon mula sa 2022 Annual Investment Plan (AIP).
Ayon kay Engr. Kingston James Dela Cruz, Provincial Engineer ng PGC, sinimulan ang konstruksyon ng silage dome o gawaan at imbakan ng pagkain ng kalabaw at ang cow shed o pahingahan ng hayop noong 2023. Ang calf pen/birthing pen aniya ay natapos naman nitong Enero, 2025. Plano rin umano ngayong taon na patayuan ng water system ang stock farm para sa mas maayos na pangangalaga sa mga hayop at sa mga pasilidad.
Nabatid naman kay Charlie Rubio, Agricultural Technologist ng PVET na ang stock farm ay may kabuuang lawak na 23.8 ektarya. Sa ngayon, ang cow shed at calf pen ay mayroong anim (6) na dairy carabao o mga pure breed italian buffalo na inaalagaan dito na nagmula sa Philippine Carabao Center (PCC) ng Department of Agriculture (DA) Region 2.
Ayon pa kay Rubio, nagsisimula na aniyang magparami ang kanilang mga alaga sa stock farm kung saan ay may tatlo na silang guya habang ang isa sa mga kalabaw ay kasalukuyang buntis. Nagkakaroon na rin aniya ng produksyon ng carabao fresh milk sa stock farm kung saan ay dinadala sa cold storage ng PGC kapag hindi nauubos ng mga guya ang gatas ng mga inahing kalabaw.
Ang ibang bahagi naman ng farm ay tinatamnan ng PVET ng mga pagkain ng hayop tulad ng mais, nappier, at iba pang halaman para sa silage dome.
Samantala, sa naging mensahe ni Gob. Mamba, kaniyang ipinagmalaki ang mga pasilidad sa stock farm dahil malaking tulong aniya ito sa produksyon ng ‘local milk product’ sa Cagayan.
“Ito ang patunay na may patutunguhan ang Cagayan kapag may tamang lider. Nakikita niyo naman kung ano ang nagagawa ng may good governance. Ito na ang halimbawa na may pagbabago sa Cagayan kapag matino ang isang lider. Kaya mahalaga ang pagpili ng tamang lider sa nalalapit na eleksyon-ang mga tama at nakakaisang kandidato,” ani Gov. Mamba.
Hiniling din ng Gobernador na kailangang magkaisa ang bawa’t Cagayano sa pagpili ng isang lider na ang iniisip at inuuna ay ang kapakanan at kinabukasan ng lahat upang tuloy-tuloy ang pagbabago sa lalawigan.
“Let’s be all together for the future of Cagayan. We need to continue what we have started in our province. This is for the Cagayano, gamitin niyo ito, matuto dapat ang lahat sa milk production at tamang pag-aalaga ng hayop para handa tayo sa pagbubukas ng International Gateway Project (IGP),” saad pa ni Gov. Mamba.
Muli namang nagpasalamat si Dr. Noli V. Buen, Provincial Veterinarian ng PGC kay Gob. Mamba sa inisyatibong isaayos ang stock farm ng probinsiya sa pamamagitan ng mga bagong tayong mga gusali.
“Sa administrasyon lamang ng ating Gobernador na may ganitong pagbabago sa stock farm at hindi lamang dito kundi maging sa Cagayan Breeding Center sa Zitanga, Ballesteros. Maraming salamat Gob. dahil isang paraan na naman ito para makatulong sa ating mga magsasaka,” sambit ni Dr. Buen.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ni 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, ilang department heads at consultants ng Kapitolyo ng Cagayan, at mga opisyal at empleyado ng PCC-DA Region 2.