Muling nagtipon ang mga opisyal at miyembro ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Cagayan Chapter para sa kanilang 3rd Quarter Regular Meeting ngayong Miyerkules, Hulyo 15, 2026, sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.

Ang pagpupulong ay pinangunahan ni LMP Cagayan Chapter President at Buguey Mayor Licerio Antiporda kasama si Vice President at Solana Mayor Meynard Carag, habang dumalo rin si Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay bilang pakikiisa sa pagsasakatuparan ng mga programa at inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ay ang presentasyon at talakayan ng mga kinatawan ng PhilHealth at Provincial Health Office (PHO) tungkol sa mga batas, alituntunin, guidelines, at circulars sa pagpapatupad ng PhilHealth YAKAP at GAMOT Programs, gayundin ang pakikipagdayalogo sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng mga proyektong pang-enerhiya at iba pang usaping may kaugnayan sa suplay ng kuryente sa lalawigan.

Layunin ng LMP Cagayan Chapter na palakasin ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya at organisasyon upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programa, mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko, at mapabilis ang pag-unlad ng bawat bayan sa lalawigan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Antiporda at iba pang mga Local Chief Executives ng Cagayan ang patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan sa pagsusulong ng mga programang magbibigay ng direktang pakinabang sa kanilang mga nasasakupan.

Bahagi ito ng patuloy na pagsusulong ng inklusibo, mahusay, at episyenteng pamamahala na naglalayong makamit ang mas maunlad na Cagayan sa pamamagitan ng pagkakaisa, matibay na pakikipagtulungan, at responsableng pamumuno.