Pinasinayaan at pormal nang sinimulan ang operasyon ng Rice Processing Center (RPC) sa Barangay Pata West, Claveria, Cagayan nitong Hunyo 2, 2026 at ipinagkatiwala sa Claveria Farmers’ Cooperative (CFC) ang pangangasiwa at pamamahala ng nasabing pasilidad.

Dinaluhan ang pagpapasinaya nina Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) Region 2 Director Dionisio G. Alvindia, Claveria Mayor Lucille Angelus Guillen-Yapo, Sub-Capitol Administrator Oliver Peneyra bilang kinatawan ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” B. Aglipay, mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA) Region 2, Office of the Provincial Agriculturist (OPA), PhilMech Region 2, Local Government Unit ng Claveria, at mga opisyal at miyembro ng CFC.

Ang pagsasakatuparan ng proyekto ay bunga ng patuloy na pakikipag-ugnayan ni Engr. Pearlita P. Mabasa, Agricultural Cluster Head ng One Cagayan Vision Team, sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga samahan ng magsasaka upang maisulong ang modernisasyon ng agrikultura at mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan.

Bahagi rin ang pagtatayo ng mga Rice Processing Center sa Cagayan ng adhikain ni Gobernador Aglipay na higit pang mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga makabagong post-harvest facilities na magpapataas ng produktibidad at kita ng mga magsasaka.

Sa mensahe ni Gobernador Aglipay na ipinabatid ni Administrator Peneyra, binigyang-diin nito na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang proyektong pang-agrikultura ay hindi lamang ang pagtatayo ng imprastraktura kundi ang kakayahan nitong makapaghatid ng positibong pagbabago sa buhay ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya.

Aniya, ang turnover ng pasilidad sa CFC ay mahalagang hakbang upang mapalakas ang magsasaka bilang katuwang sa pamamahala, pagpapatakbo, at pagpapaunlad ng pasilidad na inilaan para sa kanilang kapakinabangan. Layunin din nitong matiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain sa Claveria at sa buong lalawigan ng Cagayan.

Kaugnay nito, ang RPC sa Claveria ay inaasahang maibaba ang post-harvest losses, mapapahusay ang kalidad ng bigas, maitaas ang produksyon, at higit sa lahat ay mapapalawak ang oportunidad ng mga magsasaka na makapasok sa mas malalaking pamilihan.

Ang naturang proyekto ay nakaangkla rin sa Agricultural Support Pillar ng EGAY Governance Platform upang matiyak na bawat pamilyang Cagayano ay may pagkakataong makinabang sa mga programang nagpapataas ng kita, nagpapalawak ng oportunidad, at nagpapatatag ng kabuhayan.