Isinasagawa ng mga rescuer na kalahok sa 4th Cagayan Valley Rescue Jamboree ang “rescue march” o Mass Assembly for Rescue and Care for Humanity at “Mogadishu Walk” ngayong Martes, Pebrero 25, 2025 sa Barangay Minanga, Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay Ruben Telan ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) na isa rin sa mga kalahok, nagsimula ang kanilang paglalakad sa Barangay Minanga patungo sa end site na umaabot ng 15km.

Aniya, nagsilbing flag bearer ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Cagayan Association DRRM Officers at ang TFLC-QRT sa rescue march.

Layon umano ng aktibidad na ihanda ang mga rescuer sa mga pinakamalalang senaryo ng iba’t ibang sakuna at kalamidad na posibleng magdudulot ng pinsala sa mga imprastraktura, kalsada, tulay, at maging sa linya ng kominikasyon.

Kasabay ng rescue march ay ginawa rin ang Mogadishu Walk kung saan naglakad ng tatlong kilometro habang buhat-buhat ang isang indibiduwal na kanilang inilagay sa spine board patungo sa end site.

Sinabi ni Telan na ang naturang aktibidad ay bilang pagsasanay sa katatagan ng mga responder sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Magpapatuloy ang mga ginagawang aktibidad hanggang sa araw ng Biyernes kung saan mamayang hapon ay nakatakdang gagawin ang fishing daklis contest habang bukas ay gagawin naman ang rescuelympics.