Muling binuksan sa publiko ang Callao Caves sa bayan ng Peñablanca, Cagayan ngayong Lunes, Oktubre 16, 2023.
Isang seremonya naman ang isinagawa sa muling pagbubukas ng mahalagang tourist site ng lalawigan na pinangunahan naman ni Governor Manuel Mamba kasama si Gwendolyn Bambalan, Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources Region 02; at Marilyn Taguinod, Vice Mayor ng bayan ng Peñablanca bilang kinatawan ni Mayor Washington Taguinod.
Ito ay dinaluhan din nina Rodrigo de Asis, 3rd District Board Member; PCol. Julio Gorospe, Provincial Director ng Cagayan Provincial Police Office; Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator, Enrique Pasion, OIC- PENR Officer; Jenifer Junio-Baquiran, OIC-Tourism Officer ng Cagayan, mga miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB), mga kinatawan ng ilang government agencies, Sangguniang Bayan Members ng Peñablanca, barangay officials, kapulisan, department heads at consultants ng Kapitolyo, tour guides, boat operators, iba pang stakeholders, at mga bisita.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng ama ng lalawigan na simula noong 2016 nang siya ay maupo bilang Gobernador, isa ang pagpapaganda sa mga pasilidad ng Cagayan ang kanyang naging pokus at kasama dito ang pagpapaganda ng Callao Caves na isa sa itinuturing na mahahalagang tourist site ng lalawigan.
“We try to be our best for the interest of our people, and the next generation. This is why I have to show you the best of what I can do for the province. Kailangan mas maganda, kailangan mas disiplinado, kailangan mas matino, para pag alis natin ay maipapamana natin ang mas magandang Cagayan,” sambit ni Gov. Mamba.
“Lalo na ito. This is not just a municipal treasure, this is not just a provincial treasure, not only a national treasure. Callao is an international treasure. With the Homo luzonensis na nakita dito, naging interesado ang buong mundo. Hindi na lang po atin ito, buong mundo na ang may-ari rito. Kaya kung may magpapahalaga nito, it’s not just our generation, it’s the generations that will come after us. And nobody could claim that he has his best interest for Callao because everyone in this world has his interest for Callao in preserving this cave because this defines not only the history of Cagayan or of the Philippines, but even of the world,” dagdag pa ng ama ng lalawigan.
Hinimok naman ng Gobernador na patuloy sanang pangalagaan ang natitirang bahagi ng Callao Caves. “Let us all be together in trying to make the best of what Callao can offer. Kaya tayo gumagawa ng maganda upang ipakita sa mga next generation that we have set a standard,” pahayag niya.
Pinasalamatan din ng Gobernador ang lahat ng dumalo sa re-opening ng Callao Cave, lalo na ang lahat ng nasa likod ng patuloy ng pangangalaga rito.
Pinasalamatan din ni RD Bambalan ang lahat ng nakibahagi sa mahalagang muling pagbubukas ng Callao Caves ngayong araw. Aniya, ang pagbubukas muli ng kuweba ay pagpapakita ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, at kapayapaan ng lahat.
Higit na pinasalamatan niya ang ama ng lalawigan na si Gov. Mamba sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ang Peñablanca Protected Landscape and Seascape ayon kay RD Bambalan ay isang national park sa ilalim ng Republic Act 11038. Isa ito sa pinakaunang national parks sa bansa at itinayo ito noong July 16, 1935 na may laking 192 hectares.
“Ina-aasure ko po kayong lahat na partners naming na ang PAMB will issue resolutions for the protection, development, and use of the part, provided that this should be consistent with the law,” pahayag niya.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni VM Taguinod na dahil sa ang mahabang pagkakasara ng Callao Cave ay natigil din ang kabuhayan ng mga nasa lugar, lalo sa Barangay Quibal at Aggugaddan. Aniya, hindi naman tumigil ang LGU ng Peñablanca na magbigay tulong sa mga naapektuhan ang kanilang hanap-buhay tulad ng tour guides, boat operators, at vendors.
“Bilang isang important cultural property ng Pilipinas ay nararapat lamang na pangalagaan ang makasaysayang kuweba na ito. Umpisa pa lamang ito ng ating pagkalinga sa mga yaman ng ating bayan. Umaasa kami na ang muling pagbubukas ng Callao Caves ang magiging hudyat ng mas matatag na turismo para sa Peñablanca at sa Cagayan,” sambit ni VM Taguinod.
Matatandaan na sa kasagsagan ng pandemiya ay pansamantalang isinara ang Callao Caves dahil sa COVID-19 protocols. Nang lumuwag na ang protocols noong 2022 ay isinulong naman ng PGC ang muling pagbubukas nito.
Ang PGC ay isa sa miyembro ng Protected Area Management Board na nangangalaga sa kuweba sa ilalim ng Peñablanca Protected Landscape and Seascape, at aktibo itong nagsulong na muling buksan ang Callao Cave upang matulungan din ang tour guides, boat operators, at vendors sa lugar na matagal na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemiya.
Ang Callao Cave ay isang yamang kultural ng lalawigan. Itinuturing itong “Mahalagang Yamang Pangkalinangan” ng Museong Pambansa at isang marker ang makikita dito na nagpapakita ng kahalagahan ng lugar na ito, hindi lamang sa Cagayan at sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Itinuturing na “hotspot” ng mga mahahalagang archaeological findings sa buong mundo ang Callao Caves. Kabilang dito ang Homo luzonensis na nagbigay marka sa human evolution.