Tuloy-tuloy ang isinasagawang surveillance ng Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa iba’t ibang bayan sa probinsiya na kadalasang pinupuntahan ng mga migratory bird upang hindi lumaganap ang bird flu o avian influenza.

Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian IV ng PVET, nagsagawa sila ng surveillance sa pamamagitan ng blood collection sa mga alagang pato, manok, at pabo nitong mga nakaraang araw sa walong bayan sa Cagayan partikular ang mga bayan ng Sanchez Mira, Aparri Ballesteros, Buguey, Camalaniugan, Sta Teresita, Gonzaga, at PeƱablanca. Layon nitong masuri ang mga alagang hayop at matiyak na negatibo ang mga ito sa bird flu.

Ang mga nakoletang blood sample aniya ay agad na isinumite sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) sa Tuguegarao City, Cagayan at malalaman ang resulta pagkatapos ng isa hanggang dalawang linggo.

Dagdag pa ni Dr. Ponce, magtutuluy-tuloy ang kanilang ginagawang surveillance at pangongolekta ng dugo ng mga alagang hayop sa lahat ng bayan upang matiyak na hindi makapasok sa Cagayan ang nasabing virus.

Base sa ulat, kadalasang carrier ng bird flu ang mga wild aquatic bird mula sa iba’t ibang bansa na dumadayo sa mga coastal area sa Pilipinas, kung saan posibleng mahawa ng virus ang domestic poultry at iba pang ibon maging ang iba pang animal species.

Ang bird flu ay maaaring maging sanhi ng malubhang sakit o biglaang pagkamatay ng mga manok, itik, pabo, gansa, at iba pang mga hayop. Hindi naman umano ito karaniwang nakaaapekto sa kalusugan ng tao nguni’t maaaring maisalin ang virus sa sinumang humawak sa apektadong ibon o bumisita mula sa isang kontaminadong lugar.

Kaugnay rito, upang matiyak na ligtas ang mga alagang hayop sa Cagayan, isinasagawa ng PVET ang surveillance dalawang beses sa isang taon lalo na sa mga coastal area at may mga lawa na kadalasang pinupuntahan ng mga migratory bird.

Samantala, isinabay na rin ng PVET ang surveillance ng Food and Mouth Disease (FMD) at African Swine Fever (ASF) sa mga slaughter house upang matiyak na ligtas sa sakit ang mga hayop sa naturang pasilidad.