Lumahok kamakailan ang Provincial Veterinary Office (PVET) sa isinagawang tatlong araw na pagsasanay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 kaugnay sa Marine Turtle Network sa Centro, Sta. Ana, Cagayan.

Layunin ng naturang pagsasanay na mabigyan ng proteksyon ang mga ‘leatherback turtle’ at iba pang endangered species na napapadpad at nangingitlog sa mga dalampasigan ng Sta. Ana at sa iba pang coastal towns sa Cagayan at sa iba pang probinsya sa Lambak Cagayan.

Ayon kay Dr. Wilfredo Iquin Jr., Supervising Agriculturist ng PVET na isa sa mga dumalo sa pagsasanay, layon din umano ng naturang aktibidad na makabuo ng isang network ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Rehiyon Dos upang ang mga pawikan ay agad na mailigtas, mabigyan ng konsultasyon, at iba pang serbisyo lalo na sa mga nangingitlog.

“Isang magandang pagkakataon ang ganitong training lalo na sa mga veterinarian dahil ang part natin dito kapag may mga napadpad na endangered species ay mainam na masuri sila, maisagawa ang blood sample collection, bigyan ng agarang lunas, laboratories examination, at matuto rin sa pag-rescue sa mga turtles. I’m hoping na may susunod pa na ganitong training para lahat ng ating mga veterinarian ay matuto rin,” saad ni Dr. Iquin.

Maliban dito, ikinasa ng DENR Region 2 ang naturang pagsasanay kasabay ng kanilang pagkakatuklas sa anim (6) na pugad ng leatherback turtle sa dalampasigan ng Centro, Sta. Ana, Cagayan. Dagdag pa rito ang nasagip na isang hawksbill sea turtle noong Agosto matapos aksidenteng malambat sa karagatan ng Diora Zinungan sa nasabing bayan na agad ding pinakawalan matapos itong masuri ng DENR.

Samantala, bahagi rin sa training ang pagtuturo sa tamang paghuhukay at paglilipat ng mga itlog ng mga pawikan sa mas ligtas na lugar, kung saan aktuwal na hinukay ng mga kalahok ang isang pugad ng pawikan na may mahigit 50 itlog nguni’t sira na ang mga ito dala ng mga naranasang sama ng panahon.

Maliban sa PVET, dumalo rin sa aktibidad ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coast Guard (PCG), at iba’t ibang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Cagayan at Isabela.