Ikinasa ng Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagbabakuna ng kontra anthrax sa 64 na kalabaw sa Alcala, Cagayan kahapon, Nobyembre 21, 2024.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian IV ng PVET, ang mga kalabaw na naturukan ng anti-anthrax at bitamina ay mula sa mga barangay ng Piggatan, Tupang, at Maraburab, Alcala na pagmamay-ari ng 54 na magsasaka.
Layon ng naturang hakbang ng PVET, Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 02 at Local Government Unit (LGU) ng Alcala na mabigyan ng proteksyon ang mga kalabaw laban sa anthrax.
Nakatakda naman sa mga susunod na araw ang anti-anthrax vaccination ng mga kalabaw sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Matatandaan na nabakunahan ang 144 na kalabaw sa Matalao, Sto. NiƱo, Cagayan noong buwan ng Oktubre matapos ang biglaang pagkamatay ng apat (4) na hayop na hinihinalang dahil sa anthrax infection.