Pinalalawak ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang kaalaman ng mga kabataan matapos sumailalim sa oryentasyon hinggil sa Special Drug Education Center (SDEC), Unlad Kabataan Program (UKP), Mental Health/Reproductive Health Lecture, at First Aid Training.

Sa isinagawang oryentasyon na ginanap ngayong Sabado, Agosto 22, 2026 sa Robinsons Mall, Tuguegarao City, umabot sa 150 na kabataan ang nabigyan ng karagdagang kaalaman sa iba’t ibang usapin.

Nabatid kay Nathaniel Cariaga, SDEC Focal ng PSWDO na layon ng nasabing aktibidad na palawakin ang kaalaman, kamalayan maging ang kahandaan ng mga kabataang Cagayano upang maging responsable at maging maalam na henerasyon.

Sa mensahe ni Gobernador Edgar ‘Tatay Egay’ Aglipay sa pamamagitan ni Chief of Staff Felipe H. Buena, Jr., kanyang sinabi na kasama ang mga kabataan sa E.G.A.Y governance platform na isa sa pinagtutuunan ng pansin ng kanyang pamamahala. Kasama rin sa No Household Left Behind (NHLB) program ang sektor na ito na mabibigyan ng serbisyo lalo na sa larangan ng edukasyon.

“Youths are not only the future of Cagayan but part of Cagayan today. Youth development is not simply giving young people activities to participate in, it is about creating a good government for their future,” mensahe ng gobernador.

Kabilang sa mga paksang tinalakay sa oryentasyon ang pag-iwas sa paggamit ng ilegal na droga at iba pang bisyo, pangangalaga sa emotional at psychological well-being, reproductive health awareness, at mga pangunahing kasanayan sa pagbibigay ng paunang lunas upang maging handa sa panahon ng sakuna at iba pang emerhensiya.

Naging tagapagsalita sina Precious Ann Dulay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sina Hannah Jane Battung, Czarina Trinidad, at Maria Cristina Simangan ng Provincial Health Office (PHO).

Ang aktibidad ay pinangunahan ng PSWDO sa ilalim ni Acting PSWD Officer Bonifacio Cuarteros at bahagi ng serye ng mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan. Isinagawa ito sa inisyatiba ni Ex-Officio Board Member Jirowell Alameda, katuwang ang Local Youth Development Office (LYDO)-Cagayan sa pamumuno ni LYDO Meynard Abram Ventura.