Kinilala ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang mga Local Government Unit (LGU) na nagsusulong sa karapatan ng mga bata sa lalawigan ng Cagayan.

Ito ay sa pamamagitan ng isinagawang culminating activity ng National Children’s Month Celebration-Local Council for the Protection of Children (LCPC) Caravan na may temang, Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines! na ginanap sa NGN Gran Hotel, Tuguegarao City ngayong Lunes, Disyembre 9, 2024.

Sa naging mensahe ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, Unang Ginang ng lalawigan, kanyang pinapurihan ang mga Municipal Social Welfare Officer (MSWDO), Provincial Social Welfare Office (PSWDO), at iba pang ahensiya na nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga bata. Binigyang-pansin din niya ang kalagayan ng mga child development worker na karamihan ay nagsisilbing mga volunteer subalit napakahalaga ng kanilang papel sa paghubog sa mga bata.

Binigyang-diin pa ng Unang Ginang na kailangan ng isang matinong lider na may tapat na paggobyerno at may mabuting hangarin para isulong ang kapakanan at kabutihan ng kinabukasan ng mga bata. Ang mga programa ng Kapitolyo ng Cagayan ay isang patunay aniya na walang sektor ang mapag-iiwanan sa lalawigan na bahagi ng adbokasiya ni Gobernador Manuel Mamba para sa maayos at ligtas na kinabukasan ng mga bata.

“If we want our children to grow up and live in a society that is good and conducive to quality life, we must make sure the leaders we choose also advocate and practice good governance. We need to have,“ giit pa niya.

Samantala, nabatid kay Elvira Manguba Layus, Social Welfare Officer III at Focal Person ng Child Development Workers ng PSWDO na labing dalawang munisipalidad sa buong probinsiya ang kinilala bilang mga LGU na may ideal functionality matapos na ginanap ang LCPC Audit para sa CY 2024.

Ito ay kinabibilangan ng Tuguegarao City, Solana, Sanchez Mira, Allacapan, Lallo, Buguey, Calayan, Tuao, Sto. Nino, Enrile, Penablanca at Alcala.

Ang LCPC Functionality Assessment para sa CY 2024 ay pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang siguruhin na ang bawat lokal na pamahalaan ay may konsehong tutugon sa pagbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga bata sa lahat ng aspeto batay sa nakasaad sa batas.

Tatlong LGU sa lalawigan na kabilang sa mga kinilalang may Ideal Functionality ay nanalo sa patimpalak na best practice in the implementation of the LCPC. Nakamit ng LGU Tuguegarao ang 3rd place, LGU Sanchez Mira ang nakakuha ng 2nd place, at LGU Solana para sa 1st place kasama ang P10,000, P12,000, at P18,000 cash prize ayon sa pagkakasunod.

Sa panayam kay Haydee Tuzon, MSWDO ng Solana, tampok sa kanilang presentasyon ang mga survival rights ng mga bata kabilang din ang Children’s Code sa bayan ng Solana, advocacy materials, at iba pa na may kaugnayan sa mga bata. Aniya, isang malaking karangalan ang kanilang pagkapanalo matapos silang mabigyan ng 93% rate ng mga hurado.

Ipinahayag naman ni PSWD Officer Helen M. Donato, ang kanyang paalala na laging pahalagahan, kilalanin, at protektahan ang karapatan ng mga bata, sapagkat sila aniya ang pag-asa at ang susunod na henerasyon na siyang magpapatuloy sa pagsulong at pag-unlad sa lalawigan.

Kaugnay rito, ginawaran din ng certificate of recognition ang mga active local development officers.

Nagsilbi namang hurado sina Raynald Raul B. Ramirez, Provincial Budget Officer, Bonifacio Cuarteros, Assistant PSWDO, at Mary Joy Mamauag, Regional Sub-Committee for the Welfare of Children (RSCWC) Regional Coordinator ng DSWD.

Kasama sa nasabing aktibidad ay ang mga MSWDO, Child Development Workers mula sa iba’t ibang bayan, LCPC at mga kawani ng DILG at PSWDO.