Patuloy na pinatitibay ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang modernong pagsasaka sa lalawigan matapos ang isinagawang Grand Harvest Field Day ng Provincial Rice Technology Forum (PRTF) sa Nararagan, Ballesteros, Cagayan nitong Marso 27, 2026.

Layon nito na mapatatag ang sektor ng pagsasaka sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagtatanim ng palay upang mapalakas ang food security ng Ballesteros, karatig na bayan, at buong lalawigan. Tutugon din ang makabagong pagsasaka sa mga suliranin ng sektor ng agrikultura gaya ng mababang presyo ng produkto, mataas na gastusin sa farm inputs, kakulangan ng pasilidad para sa pagpoproseso, at ang pangangailangan ng direktang mamimili ng mga agricultural product ng Cagayan.

Ayon kay Acting Provincial Agriculturist Engr. Arsenio Antonio, nilahukan ang programa ng 21 magsasaka mula sa iba’t ibang kooperatiba na sumailalim sa apat na buwang pagsasanay sa 30-ektaryang palayan. Tampok sa programa ang paggamit ng modernong demo farm, rice machineries, hybrid seeds, at iba’t ibang uri ng pataba at crop protection technologies.

Ang PRTF ay dalawang beses na ginagawa sa isang taon bilang hudyat ng pag-aani ng palay ng mga magsasaka sa panahon ng dry at wet season.

Naging katuwang dito ng OPA ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at 24 pribadong kumpanya tulad ng SL Agritech Corp., Bioseed Research Philippines Inc., Pro Agri Seeds Corp., Syngenta Philippines Inc., Ramgo International Corp., Farmex Corp., Aljay Agro Industrial Solutions Inc., Seedworks Philippines Inc., Bayer Cropscience Inc., Prasad Seeds Philippines Inc., Aldiz Inc., Bioprime Agri Industries Inc., Crop King Chemicals Inc., AgriSpecialist Inc., Gracefield Agritrading, Ada Manufacturing Corp., JCV Worldwide Trades (Unigrow), Enviro Scope Synergy Inc., Purple Agribusiness Network and Trading Services, Bon Affaire Trading Inc., Primera Agri Innovations Corp., S&P Enterprises Inc., PARM-Tech Agri, at Advanta Seeds Philippines.

Samantala, dumalo sa aktibidad bilang kinatawan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay si Engr. Pearlita P. Mabasa, One Cagayan Vision Team Cluster Head for Agricultural Support. Binigyan diin ni Engr. Mabasa ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya ng pagsasaka upang matiyak ang pangmatagalang pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Cagayan.

Nakiisa rin sa programa sina Ballesteros Mayor Robert Ogalino, kinatawan mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA-RFO2), PhilRice, Agricultural Training Institute (ATI) Region 2, at iba pang panauhin.

Bahagi rin ng aktibidad ang pamamahagi ng mga pribadong kumpanya ng libreng t’shirts, caps, coffee mugs, paying, sprayer, binhi, at abono sa mga dumalong magsasaka.