Inindorso na ng mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) ng Disease Prevention and Control Bureau (DPCB) para ideklarang “Malaria Free” ang Cagayan matapos pumasa sa isinagawang pagsusuri ng anim na kandidatong probinsya sa bansa nitong Disyembre 7-8, 2023 sa B Hotel Quezon City.

Ang TWG ay binubuo ng Pilipinas Shell Foundation, Act Malaria Philippines, World Health Organization (WHO), at Department of Health (DOH) Central Office.

Layon ng TWG-DPCB na madagdagan ang 66 malaria free na probinsya sa bansa sa taong 2024. Maliban sa Cagayan na sumailalim sa presentasyon at pagsusuri, kabilang rin ang Isabela, Nueva Ecija, Zambonga, Zambalez, at Davao.

Ayon kay Dra. Rebecca Battung, OIC Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, ang lalawigan ay endemic sa sakit na malaria dahil ang panghuling kaso ng “local malaria” ay naitala pa noong 2016.

Isa rin aniya sa naging basehan ng TWG para mapabilang ang Cagayan sa pagsusuri ay dapat limang taong walang maitalang kaso ng local malaria. Noong 2022 ay ipinarating na ng TWG sa PHO-Cagayan na maaaring isa sa mga kandidato na maging malaria free ang Cagayan.

Sa presentasyon ng PHO ay ipinakita dito na simula noong 2016 ay naging masigasig ang mga health center sa Cagayan, ang DOH Cagayan Valley, at ibang stakeholders para sa active case finding, proper treatment, pagbaba ng mga logistics tulad ng insecticides, pagsasagawa ng surveillance, reporting at monitoring ng mga nagkakasakit, information education and communication (IEC), at social mobilization and advocacy hinggil sa malaria.

Ang final evaluation ay isasagawa naman ng DOH Central Office kung saan ang awarding ceremony ay sa taong 2024.

Kaugnay rito, dumalo at nagbigay rin ng suporta si dating Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina III dahil sa naging bahagi rin siya sa mga nagawa ng PHO ng mga nakaraang taon.

Samantala, naging katuwang ng PHO sa paggawa ng narrative report and documentation ang Information System Unit (ISU) ng Kapitolyo, Cagayan Tourism, Cagayan Provincial Information Office, at Provincial Malaria Coordinators and Validators.