Ginawaran ng pagkilala ng National Headquarters ng Philippine National Police ang hanay ng Police Regional Office 2 (PRO 2) bilang Best Police Regional Office sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Antonio Marallag sa ginanap na PNP Anniversary Celebration sa Camp Crame, Quezon City, nitong Huwebes, Enero 29, 2026.

Kinilala ang PRO2 dahil sa mahusay na implementasyon ng mga batas, pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng kapulisan, at matatag na paninindigan sa paghahatid ng tapat at buong-pusong serbisyo publiko sa rehiyon.

Samantala, ginawaran naman bilang Best Senior Police Commissioned Officer for Operations si Police Colonel Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO).

Kabilang din sa mga pinarangalan ang 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company bilang Best Provincial Mobile Force Company; ang Sta. Ana, Cagayan Police Station bilang Best Municipal Police Station (Type C); at ang Santiago City Mobile Force Company bilang Best City Police Mobile Force Company.

Ang mga nasabing pagkilala ay bunga ng maayos na kolaborasyon ng iba’t ibang police units sa rehiyon na nagresulta sa epektibong paglulunsad ng mga anti-insurgency operations, crime prevention initiatives, pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO), at iba pang mandato ng kapulisan.

Kaugnay rito, nagpahayag ng suporta ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph G. Recto, na kumatawan sa Pangulo sa nasabing okasyon.

Ayon sa PRO2, ang mga parangal na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa rehiyon sa pagtitiyak ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa kanilang nasasakupan.