Nabigyan ng libreng dental check-up ang 24 na Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Cagayan Provincial Jail (CPJ) sa pamamagitan ng inisyatibo ng Provincial Health Office (PHO) nitong nakaraang linggo.

Sa naging panayam ng CPIO-TeleRadyo kay Dr. Gilbert Ancheta, Dentist III ng PHO na silang nanguna sa pagbibigay-serbisyo sa mga PDL, mula sa nasabing bilang ay 22 ang matagumpay na naisailalim sa dental extraction habang ang dalawa ay bigo itong magawa dahil sa ilang kadahilanan tulad ng mataas na blood pressure (BP).

Ayon kay Dr. Ancheta, ang naturang aktibidad ay kasabay ng “oral health month” ngayong buwan ng Pebrero kung saan layon nitong matiyak na maayos at malusug ang mga ngipin.

Samantala, bukod sa pagbibigay ng dental check-up ay nagsagawa rin ng lecture ang PHO sa mga PDL kaugnay sa tamang pangangalaga ng ngipin upang mapanitili itong malinis at matibay.

Kaugnay rito, sinabi ni Dr. Ancheta na ipinarating ng mga PDL ang kanilang labis na pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng PHO sa pagbibigay ng libreng serbisyo.