Nagtipon-tipon ang mga lider mula sa iba’t ibang rehiyon para sa pagsasanay na bahagi ng Bayang Malusog-Provincial Leadership Development Program (PLDP)-Module 1 na pinangasiwaan ng Department of Health-Cagayan Valley Center Universal Health Care (UHC) Unit for Health Development (DOH-CVCHD).
Ito ay isinagawa sa Citadines Roces, Quezon City, nitong Mayo 29-31, 2024.
Ang Bayang Malusog Provincial Leadership Development Program-Module 1 ay nakahanay sa programa na ipinatutupad ng Zuellig Family Foundation (ZFF) sa pakikipagtulungan ng UHC at DOH-CVCHD na layuning palakasin ang kooperasyon para sa Universal Health Care (UHC).
Nabatid mula kay Lovely Timmanan, DOH, UHC Deployed Cagayan na ilan sa mga ibinahagi sa naturang programa ay pagtuturo ng “bridging leadership competencies” sa mga health team sa lalawigan, pagpapatupad ng mabisang mga sistema ng impormasyon upang mapadali ang pagpaplano at pagsubaybay sa mga programa at serbisyo sa kalusugan na makatutulong sa pagpapasilidad at akselerasyon ng implementasyon ng UHC sa bawat lalawigan.
Aniya, binibigyang-diin ng programa ang mahalagang papel ng Provincial Health Teams sa pagtatatag ng holistic health system sa provincial level, pangangasiwa sa paghahatid at pangangasiwa sa mga serbisyo at proyektong pangkalusugan sa mga lungsod at munisipalidad.
Aktibo namang nakibahagi ang mga Provincial Health Team mula Cagayan upang ipakita ang kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalusugan ng kanilang mga komunidad at sa pagkamit ng mga layunin ng UHC.
Samantala, ayon kay Timmanan, ang Module 2 ay isasagawa sa buwan ng Nobyembre 2024 kung saan aasahan ang pagdalo ng mga Provincial Governor upang maging bahagi sa nasabing programa.
Ang tatlong araw na aktibidad ay dinaluhan ng Provincial Health Teams ng Region II, kabilang ang Provincial Health Officers ng Cagayan sa pangunguna ni Dr. Rebecca Battung, Sangguniang Panlalawigan (SP) Committee on Health members, Provincial Planning and Development Officers (PPDO), Provincial Human Resource Management Office, President of the Association of Municipal Health Officers of the Philippines, Provincial UHC Coordinators, Provincial Department of Health Office (PDOHO), at Provincial UHC-Deployed personnel mula DOH-CVHD.