Personal na tinanggap ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ni Dr. Rebecca Battung, Provincial Health Officer kasama ang Unang Ginang ng Cagayan, Atty. Mabel Villarica-Mamba ang isang unit ng kauna-unahang Bagong Pilipinas Mobile Primary Care Facilities na mula sa Department of Health (DOH) at sa ilalim ng LAB For All Program ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Ang turnover ceremony ay ginanap sa Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone, Pampanga, ngayong Miyerkules, Hulyo 10, 2024.

Sa panayam kay Dr. Glenn Matthew Baggao, DOH Undersecretary, inihayag nito na ang nasabing proyekto ay may layuning ilapit sa mga Cagayano ang mga serbisyong medikal lalo na ang mga bayan na malalayo sa mga ospital sa probinsya.

Aniya, ang bagong mobile clinic ay naglalaman ng mga makabagong kagamitan na makatutulong sa mga ospital upang maibsan ang pagdagsa ng mga pasyente kagaya ng X-ray machine, ultrasound machine, hematology analyzer, microscope, refrigerator para sa mga gamot at iba pang kagamitan upang masiguro ang wastong resulta ng mga laboratory test.

Umaasa naman si Dr. Baggao na sa pamamagitan ng bagong mobile clinic ay matukoy ng maaga ang anumang sakit o karamdaman para agad magamot at mapahusay pa ang kalidad ng buhay ng mga Cagayano.

“Ang purpose ng mobile facilty ay mapagsilbihan ang mga kababayan natin sa Cagayan, kung saan kailangan laong-lalo yung naka isolate na bayan, yung mga malalayong bayan sa hospitals, lalo at wala pang Bukas Center na na-establish so unang pagsisilbihan ng unit na yan ay yung mga malalayong lugar, “saad ni Dr. Baggao.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ng PHO Cagayan sa natanggap na kagamitan na tutugon sa pangangailangang medikal ng mga Cagayano.

Tiniyak naman ng PGC sa pangunguna ni Gov. Manuel Mamba ang pagkakaroon ng maayos at tamang maintenance sa naturang sasakyan upang tumagal at mapakinabangan ng mga nangangailangan.