
Sumailalim sa oryentasyon at pagsasanay para sa Project Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest (LAWA at BINHI) ang mga kawani ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kahapon, Pebrero 27, 2026.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pagsasanay bilang paghahanda sa implementasyon ng naturang programa sa ilalim ng Risk Resiliency Program through Cash-for-Training/Work ngayong taon.
Ito rin ay bilang pagsuporta sa mandato ng administrasyon ni Gobernador Edgar ‘Manong Egay’ Aglipay na palakasin ang suporta agrikultura at magsasaka sa ilalim ng kanyang E.G.A.Y Governance Platform.
Tinalakay sa pagsasanay ang iba’t ibang plano at estratehiyang kinakailangan gaya ng pagbibigay ng karagdaagang cash at technical assistance, at iba pang karagdagang dokumento para sa pagpapatupad ng programa.
Tinukoy rin sa pagsasanay ang mga target na lugar na magiging benepisyaryo ng Project LAWA at BINHI para sa unang kwarter ng taon kabilang na rito ang bayan Pamplona, Sta. Teresita, Gattaran, Sto. NiƱo, at Camalaniugan.
Ang Project LAWA at BINHI ay isang programa ng DSWD, ito ay inilunsad upang tugunan ang kinahaharap na problema ng komunidad sa kakulangan sa tubig at pagkain dahil sa epekto ng climate change. Layon ng programa na magbigay ng sustainable solution lalo na sa sektor ng agrikultura.
Samantala, kasama sa dumalo sa naturang pagsasanay ang mga kawani mula sa Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) sa pangunguna ni Atty. Leonard Beltran, Provincial Planning and Development Office (PPDO), at Office of the Provincial Agriculturist (OPA).







