
Hot, bold, and elegant.
Ganito mailalarawan ang ginanap Red Gala Fellowship Night ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Cagayan Coliseum, kagabi, Hunyo 27, 2025.
Suot ang magagarbo at red-stunning outfit, sabay-sabay na rumampa at nagpasiklaban ang mga empleyado ng PGC sa red carpet na inihanda para sa naturang pagtitipon.
Itinanghal naman bilang King and Queen of the Night para sa PGC Red Gala Fellowship Night sina Edgar Buendia mula sa Assessor’s Office at Keithleen Boots Pastores mula sa Governor’s Office.
Nagkaroon din ng iba’t ibang special awards gaya ng Mostly Red Winner, Best in Pasarela, Trendiest Award, Pa-star Award, at Most Unique Outfit na nakuha ng mga empleyadong lumahok sa pagrampa.
Napuno rin ng aliw, kantahan at sayawan, at kasiyahan ang pagtitipon matapos mag-alay ng espesyal na awitin si Gob. Mamba kasama si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, at ibang department heads na isinayaw naman ng mga empleyado.
Sa mensahe naman ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, Unang Ginang ng Cagayan at siyang utak ng eleganteng Red Gala Night para sa PGC, inihayag nito na ang pagtitipon ay hindi lamang isang selebrasyon at kasiyahan, kun’di isang pagkilala sa tagumpay at pagkakaisang natamo ng Lalawigan ng Cagayan sa loob ng siyam na taong panunungkulan bilang Ama ng Lalawigan ni Governor Manuel Mamba.
“Truly, there is so much to be thankful for and there is so much to celebrate, ‘yan po ang Cagayan, ‘yan po ang idinulot sa inyo ng siyam na taon na paglilingkod ng tapat, may malasakit at pagmamahal ni Governor Mamba, ang gabi pong ito ay para sa ating lahat, Happy Aggao Nac Cagayan!” saad ni Atty. Villarica-Mamba
Kasabay nito, muli namang nagpaalala si Gob. Mamba na isapuso ang pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan. Aniya, ang pagtitipong ginanap ay hindi lamang panahon para sa kasiyahan, nguniāt isang tulay upang patatagin ang ugnayan at diwa ng serbisyo publiko sa bawa’t empleyado ng Provincial Government of Cagayan.
“Let’s all work together, enjoy together and feel each other dahil napakaimportante po ito because as I was saying we are here to serve our people. Kami, andito lang to inspire you, motivate you, sometimes nagkakamali tayo at tinutuwid natin as democrats and civil servants, we see to it that government is for the people, government exist to serve the interests of our people,” paliwanag ni Gov. Mamba.
Nakisaya at nakiisa rin sa pagtitipon sina Allacapan Mayor Harry Florida kasama ang kanyang maybahay na si Vice Mayor Yvonne Katrina Florida, at asawa ni Calayan Mayor Joseph Llopis na si Myrna Llopis.
Ang Fellowship Night ng PGC ay isang matagumpay na gabi ng pagtitipon ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Ngayong taon, pinili ang Red Gala Night dahil ito ay sumisimbolo sa katatagan, pagkakaisa at puso para sa paglilingkod na siyang naging daan sa matagumpay na paglilingkod ni Gob. Mamba at ng buong PGC sa siyam na taon para probinsiya at mamamayang Cagayano.