Kasalukuyang sumasailalim sa limang araw na Water, Search and Rescue (WASAR)-training ang 13 bagong kawani ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) sa Sub-Capitol Bangang, Lal-lo, Cagayan.

Ayon kay Ruben Telan, isa sa mga trainer, ito na ang pangatlong batch ng mga bagong empleyado ng nasabing tanggapan na kanilang sinasanay na sinimulan kahapon, Mayo 20, 2024 at matatapos sa araw ng Biyernes.

Aniya, nasa kabuuang 43 bagong empleyado ng TFLC-QRT kasama na ang mga 13 kawani, ang sumailalim sa WASAR training na sinimulan nitong nakaraang buwan.

Ngayong Martes, Mayo 21, 2024 sinabi ni Telan na ilan sa kanilang mga gagawin ay Map Reading, Lecture ng Ropemanship at Rappelling.

Nakatakda namang gagawin ang mga actual water activity tulad ng basic swimming and water safety, boat handling at maneuvering sa Ilog Cagayan na sakop ng nasabing bayan sa susunod na araw.

Sinabi ni Telan na layon ng pagsasanay na magkaroon ng karagdagang kaalaman at maging handa ang mga bagong rescuer sa panahon ng kalamidad at sakuna.

Nabatid na napermanente na ang mga ilang mga kawani ng TFLC-QRT kaya nagdagdag ng bagong empleyado.

Ang TFLC-QRT ay nabuo nang maupo si Governor Mamba noong 2016 para mayroong tutugun lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Sa ngayon, mayroon nang walong station ang TFLC-QRT na matatagpuan sa Tuguegarao City, Amulung, Tuao, Ballesteros, Lal-lo, Gonzaga, Sanchez Mira, at ang bagong station sa bayan ng Aparri.