Muling lumarga ang pamamahagi ng tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Ikatlong Distrito ng Cagayan partikular sa bayan ng Peñablanca at lungsod ng Tuguegarao nitong Hulyo 10, 2024.

Sa isinagawang distribusyon ng tulong pinansiyal sa bayan ng Peñablanca, nabatid sa datos mula kay Restituto Vargas, Social Welfare Officer 3 ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), umabot sa P1,865,000 ang kabuuang naibabang tulong pinansiyal sa magkakaibang sektor. May 765 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s); 117 na Persons with Disabilities (PWDs) partikular ang mga children with special needs; 50 na Solo Parents; at 28 na Child Development Workers (CDW).

Samantala, sa Lungsod ng Tuguegarao, may kabuuang P1,969,500 ang naibaba sa 660 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s); 130 na Persons with Disabilities (PWD) particular ang mga children with special needs; 55 na Solo Parents at 57 na Child Development Workers (CDW).

Ang patuloy na pagbababa ng Oplan Tulong Barangay ng tulong pinansiyal sa mga higit na nangangailangan ay bahagi ng programa ni Gobernador Manuel Mamba na naglalayong makatulong sa mga pangangailangan ng Cagayano.

Magkatuwang ang PSWDO, Provincial Treasury Office at Provincial Office for People Empowerment Office (POPE) sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa dalawang bayan.

Kasalukuyan ding isinasagawa ngayong araw ng Huwebes ang pamamahagi ng kaparehong tulong pinansiyal sa bayan ng Solana at nakatakda naman ang distribusyon sa mga bayan ng Enrile at Iguig sa araw ng Biyernes, Hulyo 12.