
Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa makasaysayang paglulunsad ng kauna-unahang Kiyaw Festival sa bayan ng Baggao nitong Hunyo 5-7, 2026.
Ang “1st Kiyaw Festival: A Sierra Madre Bird Fest” ay isang napakahalagang pagdiriwang na nagbibigay-pugay sa Kiyaw o Isabela Oriole, isa sa pinakabihira at tinaguriang isa sa endangered na ibon sa Pilipinas. Ito rin ang ipinagmamalaking yaman ng Baggao na matatagpuan sa kabundukan ng Sierra Madre.
Layon nito na ipakita ang hitik na yaman ng Baggao sa turismo, ipagdiwang ang biodiversity ng kabundukan ng Sierra Madre, isulong ang pangangalaga ng kalikasan, palakasin ang komunidad, at ang maisulong ang prinsipyo ng “regenerative tourism” kung saan lahat ay kasapi sa pagsisiguro na maprotektahan ang yaman ng isang lugar upang matiyak na maipapamana pa ito sa susunod na henerasyon.
Ang pagbubukas ng mga aktibidad ng makasaysayang kaganapan na ito ay pinangunahan ni Mayor Leonardo Pattung at iba pang opisyal ng LGU Baggao at Baggao Municipal Tourism Office sa pangunguna ni Dan Paolo Ramos, Municipal Tourism Officer, at ng buong LGU Baggao.
Kasama naman sina EnP. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer sa hanay ng PGC at Cagayan Tourism Office (CTO) bilang kinatawan ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay; Department of Tourism Region 02 Regional Director Alexander Troy Miano, Department of Environment and Natural Resources Region 02 sa pangunguna ni Dionicio Deundo, Community Environment and Natural Resources Officer ng Alcala na si Engr. Zelda Vasquez, at Merlin Van Weerd mula sa Mabuwaya Foundation, Inc. Ito ay dinaluhan din ng iba pang environmental advocates at experts, tourism stakeholders, at bird-watching enthusiasts.
Ayon kay EnP. Junio-Baquiran, ang pagdiriwang na ito ay isang hudyat ng pagkakaisa upang isulong ang nature-based tourism na nakaangkla sa “regenerative tourism.” Aniya, sa pagdiriwang ng kauna-unahang Kiyaw Fest, isaisip natin na ang mga ibon tulad ng kiyaw ay hindi lamang pang-atraksyon para sa mga turista, kundi ito ay nagpapakita ng malusog na kalikasan. “Ito ay nagpapakita ng pag-asa at nagpapakita na ang kalikasakan ay nabubuhay, at tayo ang nabubuhay dahil dito,” sambit niya.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa ilalim ng pamumuno ni Tatay Egay ay patuloy na sumusuporta sa mga inisyatiba na nagtatanggol sa ating kapaligiran habang lumilikha ng mga oportunidad para sa ating mamamayan. Ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi hiwalay sa pag-unlad, bagkus, ito mismo ang pag-unlad. Ang malusog na kapaligiran ay nangangahulugan ng mas masiglang ekonomiya, mas matatag na komunidad, at mas magandang buhay para sa bawat Cagayano. Ito rin ang diwa ng Endless Fun Cagayan,” diin ni EnP. Junio-Baquiran.
Samantala, bilang bahagi ng mga aktibidad, isinagawa naman ang “Flight Quest” kung saan bitbit ng mga kalahok ang kanilang mga binocular at kamera at sama-samang silang nag-obserba ng mga ibon sa natural na tirahan ng mga ito sa Sierra Madre at natututo mula sa mga eksperto at mga lokal na environmental advocate.
Nagkaroon din ng mga presentasyon sa avian research, mga aktuwal na pagpapakita ng paghahabi ng kawayan; at mga palitan ng mga kaalaman sa kultura, biodiversity, at sustainable tourism.
Ang 1st Kiyaw Festival ay higit pa sa isang aktibidad ng pagmamasid sa ibon. Ayon kay EnP. Junio-Baquiran, ito ay isang selebrasyon na nagpapaalala sa atin sa pagpapahalaga sa mga likas na yaman ng Cagayan at nagpatibay sa ating pangako at mandato na protektahan ang mga ito para sa mga susunod na henerasyon.







