Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa isinagawang Wellness and Longevity Summit ng Department of Health (DOH) na ginanap sa Clark, Pampanga, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Sa nasabing summit, personal na dumalo rito sina Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay at Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung kasama sina DOH Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao, Regional Director Ferdinand Benbenen, at iba pang lokal na opisyal at mga health expert mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), naging pagkakataon ito upang makakuha ng kaalaman mula sa mga eksperto at makapagplano ng mga hakbang upang mas mapabuti at mas mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga Cagayano.

Binigyang-diin naman ni Health Secretary Ted Herbosa na siyang nanguna sa aktibidad na mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensiya at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na magkaroon ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan ang bawa’t Pilipino.

Kaugnay rito, tinakalay sa summit ang pagpapalakas ng Universal Health Care (UHC) sa pamamagitan ng Zero Balance Billing, PuroKalusugan, at BUCAS Centers, gayundin ang pagpapalawak ng medical assistance para sa mga indigent patients.

Iprinisinta rin dito ang iba pang programa ng PhilHealth na YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program) at GAMOT (Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment) na layong mapalawak ang access sa abot kayang gamot at serbisyong medikal.

Bukod dito, tinalakay rin ang patuloy na pagpapaigting ng kampanya laban sa non-communicable diseases, pagpapalawak ng immunization program, at pagsusulong ng road safety.

Samantala, tiniyak naman ng PGC sa pamamagitan ng PHO na patuloy na palalawakin ang implementasyon ng mga programang pangkalusugan sa lalawigan upang mapabuti ang kalusugan at magkaroon ng ligtas na komunidad ang mga Cagayano.