
Isinagawa ng Provincial Government of Cagayan (PGC), sa pamumuno ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay, ang libreng paghakot ng ani ng mga magsasaka sa bayan ng Lasam patungo sa bodega ng National Food Authority (NFA) Tuguegarao Branch nitong Hunyo 3, 2026.
Layunin ng programang ito na matugunan ang suliranin ng mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang mga ani sa bodega ng NFA sa Tuguegarao, lalo na’t puno na ang ilang bodega ng ahensya sa ibang lugar. Sa pamamagitan ng libreng hauling assistance, nabawasan ang gastos ng mga magsasaka at nabigyan sila ng pagkakataong maibenta ang kanilang palay sa mas mataas na presyo.
Naisakatuparan ang inisyatiba sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na koordinasyon ni Engr. Pearlita P. Mabasa, One Cagayan Vision Team Cluster Head for Agricultural Support, katuwang ang NFA Cagayan Branch, Local Government Unit ng Lasam, at Provincial Engineering Office (PEO) sa pamumuno ni Engr. Kingston Dela Cruz.
Dahil sa naturang programa, naibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay sa NFA sa halagang ₱27 kada kilo, mas mataas kumpara sa karaniwang presyong nasa ₱15 kada kilo sa kanilang lokalidad. Bukod sa mas mataas na kita, hindi na rin nila kinailangang gumastos para sa transportasyon ng kanilang mga ani.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, palalawakin pa ang libreng hauling assistance sa iba pang bayan ng lalawigan upang mas marami pang rice farmers ang makinabang sa mas magandang presyo ng palay at mas malaking kita.
Samantala, patuloy na ginagamit ng PGC ang mga mobility assets nito bilang “Food Bridges” upang maiugnay ang mga magsasaka sa mas malalaking pamilihan at mabigyan sila ng mas magandang oportunidad para sa kanilang mga produkto.







