
Personal na inihatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang tulong pinansiyal para sa mga residente ng Babuyan Island at Barangay Minabel, Calayan, Cagayan.
Ito ay kasabay ng pag-arangkada ng Oplan Tulong sa Barangay sa Isla ng Calayan ngayong Miyerkules, Mayo 22, 2024.
Kabilang sa mga nabenipisyuhan ng Oplan Tulong sa Barangay sa Babuyan Claro ang 16 Barangay Health Workers BHW), dalawang Barangay Nutrition Scholars (BNS), tatlong Day Care Workers (DCW), limang solo parents, at sampung Tanod.
Samantala, parehong tulong naman ang inihatid ng PGC sa barangay Minabel para sa 129 na miyembro Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) 16 na BHW, tatlong BNS, sampung tanod, at pitong Day Care Workers.
Ang mga BHW at BNS ay tumanggap ng tig-P5,000, habang tig-P6,000 naman ang ibinigay para mga solo parent at P3,000 ang para sa mga barangay tanod. Ang tinanggap namang tulong ng mga Day Care Worker ay nakabatay sa tagal nila sa serbisyo kung saan aabot sa P5,000 ang pinakamalaking tulong pinansiyal ang ibinigay sa mga ito.
Dagdag pa rito, tig-P2,000 naman ang ibinigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa mga nasabing barangay.
Kaugnay rito, bago marating ang mga naturang barangay ay kinailangang maglakbay sa karagatan ng ilang oras mula sa mainland Calayan.
Bagama’t malayo ang nasabing mga lugar ay buong tapang namang tinungo ng grupo ng Provincial Government of Cagayan (PGC) ang naturang isla upang maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga residente.
Ito ay alinsunod din sa mandato at pangako ng ama ng lalawigan na si Gov. Manuel Mamba na walang mapag-iiwanang Cagayano sa lahat ng serbisyo at programa ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon.