Naging matagumpay at muling nagbigay ng saya ang ginanap na “Hauntastic Halloween” event na hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) na isinagawa sa Capitol Grounds, Capitol, Tuguegarao City ngayong Huwebes, Oktubre 30, 2025.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni PGC Events Chairperson Atty. Mabel Villarica-Mamba kasama si Deputy Chief of Staff Atty. Jay-em Cuntapay, mga department head at mga kawani ng Kapitolyo ng Cagayan.

Daan-daang pamilya at barkada rito ang dumagsa upang makiisa at saksihan ang isa nanamang espesyal na halloween celebration na hatid ng PGC para sa mga pamilyang Cagayano.

Tampok sa aktibidad ang trick-or-treat sa iba’t ibang opisina ng PGC kung saan naglibot ang mga batang naka-halloween costumes.

Isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng programa ay ang Best in Costume Contest, kung saan tumanggap ng award ang mga chikiting na nagpamalas ng pinaka-kakaiba, nakakatakot, at malikhaing kasuotan.

Bukod dito, nagkaroon din ng raffle draws na naghatid ng excitement sa mga dumalo. Kasabay nito, tampok din ang pop-up food stalls ng mga local vendor at entrepreneur na nag-alok ng iba’t ibang pagkain at produkto.

Nagbukas din ang mobile kitchen ng PGC para sa publiko at namahagi ng libreng pagkain sa mga dumalo.

Bukod sa mga individual award, nagpasiklaban din ang bawa’t opisina sa kani-kanilang halloween-themed decorations, kung saan nagmistulang mga haunted corners tampok ang iba’t ibang nakakatakot nguni’t kakaibang konsepto at tema ng bawa’t tanggapan, at lumahok dito ang mga sumusunod;

●PHRMO & CPIO – Hospital Room 13: Check In, Never Check Out

●PLO & Tourism Office – Addams Family Mansion

●PDO – Wicked Mansion

●POPE – Haunted Mansion Guest House

●PVET – Whispers from the Abattoir

●Finance Office – Enchanted Fairynance

●PEO – Dead Zone

●PHO – Carnival of PHOrrors

●GSO – Scary Junkyard

●Governor’s Office & PA’s Office (Main Bldg) – Silent Whispers of the Convent

●SP & VGO – Restless ReSOULutions

●PNREO & PDRRMO – Lost in the Forest of Death

●PSWDO – Trip to Dismaya: The Ghost Project

●OPA – The Haunted Dormitory and the Scarecrow

●Cagayan Museum and Historical Research Center – Night at the Museum Exhibit

Nakatakdang ianunsyo sa darating na Lunes ang mga nagsipagwaging mga opisina.

Bago naman matapos ang programa ay nagkaroon ng maikling programa, kung saan sa ibinahaging mensahe ni Atty. Villarica-Mamba ay kanyang binigyang-diin na ang layunin ng programa ay maging daan upang magsama-sama hindi lamang ang mga kawani ng PGC kun’di maging ang pamilyang Cagayano.

Ani, Atty. Villarica-Mamba, mula pa noon ay isinusulong na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang mga programang nagbibigay saya at pagkakaisa sa mga Cagayano dahil ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang para sa kasiyahan, kun’di isang paraan din upang palakasin ang samahan at pagkakaisa ng mga empleyado.

“Ang Kapitolyo ay hindi lamang para sa mga nagtatrabaho dito, ang Kapitolyo ay tahanan ng mga Cagayano kaya nagkakaroon tayo ng ganitong pagtitipon. Paraa sa amin naliligayahan kami na makikita ang mga bata na excited, pinaghahandaan ang kanilang mga costume at excited na makakuha ng mga candy at para naman sa mga empleyado para na itong team building dahil sila mismo ang nagpaplano, conceptualize, at nagdedecorate ng kanya-kanyang building hindi lamang para takutin ang mga bata kun’di bilang entertainment po sa sa ating lahat,” ani Atty. Villarica-Mamba.

Samantala, ang Halloween activity ay unang isinagawa sa Kapitolyo ng Cagayan noong taong 2022.