Tuloy-tuloy ang ginagawang pamamahagi ng tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga magsasakang apektado ng mga nagdaang kalamidad.

Ngayong Huwebes, ika-16 ng Enero 2025, nabigyan ang tulong pinansiyal ang nasa 1,005 na mga magsasaka mula sa mga bayan ng Enrile, Peñablanca, at sa Tuguegarao City.

Ang bawa’t magsasaka ay nakatanggap ng P1,500 na tulong pinansiyal bilang tugon ng Kapitolyo ng Cagayan sa kanilang pagkalugi dahil sa mga naranasang sunod-sunod na bagyo noong nakaraang taon.

Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, OIC Provincial Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist, ang tulong na ibinababa ng PGC ay inisyatibo ni Governor Manuel Mamba para matulungan ang sektor ng agrikultura na pangunahing naaapektuhan tuwing nakararanas ng kalamidad ang probinsiya.

Kaugnay rito, dumalo si Gov. Mamba sa naturang aktibidad at sa kaniyang mensahe ay hiniling niya sa mga magsasaka gawing halimbawa ang Cagayan ng tamang paggogobyerno sa pamamagitan ng pagpili ng tamang lider sa darating na eleksyon.

“Let’s have Cagayan be the pilot of good governance. Ito ay nakasalalay sa pagpili n’yo ng matalino, magaling, hindi korap, at tamang lider. Dapat ay maging matalino ang lahat sa pagpili at pagboto sa mga lider ng Cagayan,” ani Gov. Mamba.

Nagsilbi namang panauhin ang buong pwersa ng One Cagayan sa pangunguna ni Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay sa naturang aktibidad. Nakilahok din ang ilang opisyal ng Local Government Unit (LGU) ng Enrile, Tuguegarao City, at Peñablanca, Cagayan.

Magpapatuloy ang pamamahagi ng cash assistance para sa mga magsasaka sa iba pang bayan sa probinsya sa mga darating na araw. Ito ay pangungunahan pa rin ng OPA at Provincial Office for People Empowerment (POPE) ng PGC.

Samantala, isinabay na rin ang pamamahagi ng honoraria sa 54 Barangay Health Workers (BHW) at 34 Barangay Nutrition Scholars (BNS) ng Peñablanca, Cagayan. Ang bawa’t isa ay nakatanggap ng P2,000 mula sa PGC at karagdagang P1,200 para sa BNS na mula naman sa national government para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng 2024.