Tinanggap ng 70 hog raisers ang kanilang financial assistance na mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVET) at Provincial Treasury Office sa Capitol compound, Tuguegarao City ngayong Biyernes, Abril 5, 2024.
Ayon sa PVET, ang mga nabigyan ng tulong pinansiyal ay mga hog raiser na naapektuan ng ASF noong 2023 na mula sa mga bayan ng Enrile, Piat, Solana, Sto. Niño, Tuao, at Tuguegarao City
Ang katumbas na halaga ng isang inahing baboy na namatay dahil sa ASF ay P3,000; ang grower o finisher na baboy ay P2,000; ang biik ay P1,000; at ang weanling at suckling ay tig-P500.
Paliwanag pa rin ng PVET na tanging ang mga hog raiser na isinailalim sa culling o pagpatay ang kanilang mga baboy ng Municipal Agriculturist Office (MAO) at PVET ang nabibigyan ng financial assistance.
Samantala, ayon kay Angela Parallag Bruno ng Namuccayan, Sto. Niño, Cagayan, na-cull ang kaniyang 15 na baboy dahil sa ASF, masakit at mahirap aniya ang mawalan ng alagang baboy lalo’t pwede na sana itong ibenta.
Payo niya sa lahat ang ibayong pag-iingat para ligtas ang mga alagang baboy upang hindi malugi. Tiyakin umano na nag-disinfect ang mga technician at buyers kapag pumupunta sa kanilang lugar at kung maaari ay iwasan na muna aniya ang pagbili ng mga frozen products upang ligtas sa ASF.
“Hindi natin inaasahan ang sakit na ASF kaya mag-ingat po tayo para ligtas ang ating mga baboy. Masakit sa bulsa kapag mabiktima ang ating mga baboy,” ani Bruno.