Nababaan na ng tulong pinansyal ang 2,335 na mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng nagdaang El Niño sa Cagayan sa isinasagawang distribusyon ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan nitong araw ng Martes, Oktubre 15 hanggang Oktubre 16, 2024.

Ang mga benepisyaryo ng financial assistance ay nakatanggap ng tig-P6,000 mula sa mga bayan ng Solana, Enrile, Aparri, Lal-lo, at Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Engr. Pearlita P. Mabasa, Cagayan Farm School Administrator, ang pamamahagi ng tulong ay inisyatibo ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba mula sa donasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na P50 milyon para sa mga naapektuhan ng kalamidad sa lalawigan.

Dagdag pa ni Mabasa, karamihan sa mga nakatanggap ng tulong ay mga corn farmer na nasira ang mga pananim at hindi na nakapagtanim dahil sa naranasang tagtuyot, habang ang mga may fishpond ay halos nawalan ng tubig dahil sa tagtuyot.

Bukod dito, maghahatid pa rin ng financial assistance ang OPA katuwang ang Provincial Treasury Office (PTO) at Provincial Office for People Empowerment (POPE) sa iba pang bayan sa probinsya ngayong Huwebes at sa mga darating pa na araw. Umaabot sa 8, 333 ang kabuuang apektadong magsasaka at mangingisda sa Cagayan ang naapektuhan ng El Niño ayon pa sa OPA.

Samantala, nakiisa sa aktibidad si Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay, Atty Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator at kinatawan ni Gov. Mamba, at iba pang panauhin bilang suporta sa inisyatibo ni Gov. Mamba.