Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamamagitan ng isang welcome program ang Cagayan Tibay Isip Resiliency o mental health resiliency na programang nakaangkla sa Moral Recovery program ni Gob. Manuel Mamba.

Ginanap ang isang welcome program sa mahigit isang daang kalahok bilang paunang grupo mula sa iba’t ibang mga sektor gaya ng social welfare officers, child development workers, health workers, mga kawani ng ahensiya ng gobyerno, non-government organizations, academe partikular ang mga guidance counselor, mga miyembro ng kapulisan, volunteers sa buong lalawigan at mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng zoom platform.

Ang Emotional Reset Center (ERC) USA-LLC ay isang U.S based Company sa pangunguna ni Dr. Bryce Fabro ang siya namang katuwang ng PSWDO sa naturang programa na nagbahagi ng kabuuan ng programa na pormal na magsisimula sa susunod na linggo.

Sa pahayag ni Bonifacio Cuarteros, Assistant Provincial Social Welfare and Development Officer, layon ng programa na magkaroon ng mental health responders o coaches sa probinsiya dahil sa naitalang mga kaso ng suicide o pagpapakamatay sa magkakaibang mga kadahilanan.

Isa pa sa pakay nito ay upang magsanay ng mga empleyado na nakatutok sa komunidad alinsunod sa pilosopiya ni Gob. Mamba na walang tutulong sa Cagayano, kung hindi ang kapwa niya Cagayano. Ito ay upang magkaroon ng lakas ng loob at puso ang bawa’t Cagayano sa anumang uri ng panahon na kanilang susuungin.

Sa mensahe ni Dr. Archie Articulo bilang kinatawan ni Gob. Mamba, kanyang ipinahayag na mahalagang maging balanse ang buhay at kaakibat ng pagkakaroon ng maunlad na probinsiya ang isang matibay na kaisipan at kalooban ng bawa’t mamamayan sa kabila ng mga hamon sa buhay.

Aniya, “we are strong and developed as to physical structures, but we have to address our emotions/mental health because development must be holistic, and the Governor said it is time to do this.”

Ipinahayag pa ni Articulo na ang programang Cagayan Tibay Isip Mental Resiliency ay nakabatay sa unang agenda ng Gobernador na Moral Recovery and Spiritual Transformation program na kinakailangang magkaroon ng mental reset para sa isang Cagayanong may matibay na dibdib at matibay na isip sa anumang hamon ng panahon.

Hinikayat din ni PSWD Officer Helen Donato ang mga kalahok na pagtuunan ng pansin ang matatag na pag-iisip na siyang magiging susi ng mas maunlad na pamumuhay ng bawa’t Cagayano.

Isa rin itong solusyon upang maihanda ang lalawigan sa panahon ng mga sakuna at kalamidad na agad makabawi matapos ang isang krisis sa buhay.

Sasailalim sa serye ng mga pagsasanay na may apat na modules at practicum ng 20 oras ang mga kalahok upang mapabuti ang kapakanan at maging emotionally fit ang isang indibiduwal sa anumang uri ng sitwasyon sa buhay.

Inaasahang ding may mga susunod pang mga kalahok sa susunod na mga araw upang mabuo ang dalawang daang indibiduwal na magsasanay.