Puspusan ngayon ang pagsasagawa ng mga proyetong imprastraktura ng Provincial Engineering Office (PEO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan alinsunod sa direktiba ni Governor Manuel Mamba.
Sisimulan na ang ilang proyektong imprastraktura sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan sa ilalim ng inaprubahang pondo ng lalawigan noong 2023 matapos ang matagumpay na bidding at award ng mga ito sa mga nanalong kontraktor.
Sa ibinahaging datos ng PEO, aabot sa P263,600,000 ang na bid-out at na-award na sa mga proyekto. Ang nasabing halaga ay mula sa inaprubahang pondo ng lalawigan na P3,513,104,476.
Ilan sa mga gagawin ay ang pagsasaayos ng Sta. Cruz-Cabiroan provincial road at box culvert sa bayan ng Gonzaga; pagkokongkreto sa Labben, Utan sa Allacapan na kokonekta sa Cabatacan, Lasam. Gayon din ang pagkokongreto sa Nebab Provincial Road sa Claveria; ang pagkokonekta sa Cullung-Taribubu-San Vicente-Pata-Dagupan-Villalaida Junction provincial road, at paglalagay ng flat slab bridge sa Cagumitan sa bayan ng naman ng Tuao.
Kabilang rin dito ang pagsasaayos sa Baggao District Hospital; finishing para sa interior at exterior ng 4-storey Aministration Building sa Bangag, Sub-Capitol, Lal-lo na inaasahang matatapos na ngayong taon; ang pagsasaayos sa Provincial Jail Search Area sa lungsod naman ng Tuguegarao, at ganoon na rin sa Cagayan Animal Breeding Station sa Zitanga, Balleteros at farm School and Agri-Tourism Center sa Anquiray, Amulung.
Ayon pa sa PEO, marami na rin ang on-deck para sa bidding at nakatakdang i-award sa mga susunod na araw.
Matatandaang inatasan ng Gobernador ang lahat ng mga opisina ng Kapitolyo na ipatupad ng mabilisan ang mga programa’t proyekto sa ilalim ng 2023 at 2024 budget para mapakinabangan ng mga Cagayano.