Kinilala ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Police Community Affairs and Development (PDAC) unit nito ang Cagayan Capitol Press Corps, Inc (CCPCI) ngayong Biyernes, Ika-11 ng Oktubre 2024 sa Bulwagang Lapulapu, Camp BGen. Rafael T. Crame, Quezon City.

Natanggap ng grupo ang parangal dahil sa proyektong inumpisahan ng mga ito sa lalawigan na tinawag na “Pedals of Hope”, isang proyekto na nagbibigay ng libreng bisikleta sa mga mag-aaral sa lalawigan na nakatira malayo sa kanilang paaralan.

Kabalikat ng CCPCI ang Regional Police Community Affairs and Development Group ng (RPDACG) Police Regional Office 02 at Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagpapatupad ng nasabing programa sa mga kabataan sa lalawigan.

Suportado rin ng ama ng lalawigan na si Gob. Manuel Mamba ang bawa’t proyektong inuumpisahan ng mga lupon ng mamamahayag sa probinsya na makatutulong sa bawa’t Cagayano.

Samantala, personal na tinanggap nina Dextress Taguiam ng DZCV, Pangulo ng CCPCI, Rodel Ordillos ng RBC Cable at Chairman ng CCPCI, at miyembro ng CCPCI na si Cayetano Tuddao, GMA news stinger ang nasabing parangal kasama ng ilang mga kinatawan ng PNP Regional Office 02.