Simple man at payak, makulay, makabuluhan, at malikhain kung ituturing ang unang pailaw ng “Pasko ng Pamilyang Cagayano” 2024 sa Kapitolyo na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na isinagawa ngayong Disyembre 2, 2024 sa Capitol Grounds, Tuguegarao City.

Kaisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa liderato ni Governor Manuel Mamba sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawing simple lamang ang selebrasyon ng Pasko ngayong taon sa gitna ng mga naranasang sakuna ng bansa nitong nagdaang buwan. Matatandaan na kabilang din ang lalawigan ng Cagayan sa nakaranas ng hagupit ng sunod-sunod na bagyo.

Sa inisyatibo at utos ni Gov. Mamba, isang simple nguni’t makabuluhan na Pasko ang handog pa rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng Cagayano ngayong taon. Sa pamamamagitan ng 3Rs (Reduce, Re-use at Recycle) napaganda ang Kapitolyo ng Cagayan sa unang Lunes ng Disyembre.

Kumukutikutitap na mga parol ang masisilayan sa gate ng Capitol Grounds na sumisimbolo ng pag-asa ngayong Pasko para sa mga Cagayano. Ang mga parol na ito ay mula sa nagdaang Pasko noong nakaraang taon at pinailaw muli ngayong taon.

Ang mga Christmas tree na makikita rin sa grounds ay mula naman sa Pasko 2022. Masinop at maayos itong inaalagaan ng PGC kaya naman gumagana at mukhang bago pa ang mga ito.

Ang iba’t ibang departamento at opisina rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay naghahanda na sa kanya-kanyang dekorasyon na naka-sentro sa “Pasko ng Pamilyang Cagayano.” Lahat din ng mga dekorasyon na gagamitin ay mga recycled at indigenous Christmas decorations.

Matutunghayan ang mga ito sa Disyembre 16, 2024 sa pagbubukas ng Kapitolyo ng Cagayan sa publiko para sa official Christmas Lighting nito ngayong taon. Tulad naman ng nagdaang mga Pasko sa Kapitolyo ng Cagayan, magkakaroon ng patimpalak sa naggagandahang Christmas decorations sa bawa’t departamento at opisina ng PGC. Gaya rin ng nagdaang mga taon, magiging makulay at malikhain din ang mga itatampok na mga palamuti, simple at payak man ito.

Ani, Atty. Mabel Villarica-Mamba ang Unang Ginang ng lalawigan na siyang proponent ng PGC Events, hindi kailangang magarbo ang pagdiriwang ng Pasko. Ang mahalaga ay ang maipagdiwang ito sa tunay na kahulugan nito sa makabuluhan na paraan kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.

“Sa liderato ng Ama ng Lalawigan na si Gov. Mamba, magiging masaya, makabuluhan, at puno ng pag-asa at pagmamahal ang Pasko ng Pamilyang Cagayano ngayong taon,” sambit ng Unang Ginang.