Nadagdagan pa ngayon ang mga benepisyaryo ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) sa buong probinsiya ng Cagayan matapos ang masinsinang deliberasyon noong ika-14 ng Nobyembre, 2023 na ginanap sa NGN Hotel sa lungsod ng Tuguegarao.
Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna ni PSWD Officer Helen Donato na kabilang sa ECLIP Committee ang nasabing aktibidad katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) Cagayan, Cagayan Police Provincial Office (CPPO), 95 Infantry Batallion para sa isinagawang pagpupulong at re-deliberation ng Former Rebels (FRs).
Nabatid kay Donato, na laking pasasalamat niya sa oportunidad na maibigay ang mga nararapat sa mga FR na matagal na nilang hinihintay.
Sa panayam kay Nataniel E. Cariaga, Center Manager ng Halfway House ng PSWDO, may 57 na nauna ng nai-enroll sa ECLIP information system ang probinsiya matapos ang deliberasyon nito noong Oktubre 10-11 at nitong Nobyembre 14, may 34 na panibagong naaprubahang kwalipikado at para sa ECLIP package of assistance.
Nabatid kay Cariaga na para sa mga regular na FRs ,makatatanggap ang mga ito ng P15,000 immediate assistance, P50,000 livelihood assistance at P21,000 reintegration assistance at para sa mga Militia ng Bayan, makatatanggap sila ng P15,000 immediate assistance at P21,000 reintegration assistance mula sa DILG.
Susunod na ang pagproproseso at ang pagbibigay ng DILG ng kanilang assistance makaraang masinsinang suriin ng mabuti ang mga dokumento ng mga benepisyaryo.