
Nagwagi ang pambato ng Pamplona, Cagayan at kinoronahan bilang kauna-unahang Señorita ti Cagayan 2025 na si Lorna Okutani.
Ang kanyang kasagutan sa huling round ng Question and Answer portion ng Señorita ti Cagayan 2025 ang isa sa nagposisyon sa kanya para makuha ang korona.
Isa kasi sa nais na maging impluwensiya ni Lorena sa kanyang kapwa senior citizen ay ang pangangalaga hindi lamang sa pisikal na pangangatawan kun’di maging sa kaisipan o mental health.
“Gusto ko pong maging impluwensiya sa kahat ng tao lalong-lalo na sa lahat ng senior citizen na kagaya ko. Tayo po ay kumain ng masusustansyang mga food, maglaan po tayo ng pang-relaxation, mahalagang pangalagaan din natin ang ating mental health,” pagbabahagi ni Lorna.
Maliban sa korona, nakuha rin ni Lorna ang Best in Talent matapos bumirit ng I will Survive sa talent portion.
Sa kanyang mensahe, pinuri naman ni Governor Manuel Mamba ang tatag, ganda, at galing ng mag senior citizen na sa kabila ng edad ay nakikibahagi pa rin sa mga aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
“You know, when you talk of the young, you talk of their promise; when you talk of the old, you talk of their wisdom. But tonight, we will not only talk of their wisdom, but we will talk of their beauty and of course their health,” pahayag ni Gob. Mamba.
Nag-iwan din ng mensahe si Governor-Elect Ret. Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay sa mga dumalo. Aniya, wala sa edad ang misyon ng isang tao kung ang Diyos ang naglagay nito. Bagama’t may edad na, hindi ito dahilan para tumigil sa mahalagang papel na dapat gampanan sa lalawigan.
“Sabi nga nila, ang Diyos ang nakakaalam hindi tayo. Kaya tayong mga seniors, manalig tayo sa Diyos kung mayroong ibinigay na misyon sa atin. Sabi natin it’s not my time, sabi niya, no senior. In God’s time ibinibigay ang misyon sa inyo. Hindi sa panahon mo kun’di sa panahon ng Diyos,” saad ni Gov-Elect Aglipay.
Samatala, ilan din sa mga kandidata ang nag-uwi ng minor awards. Kabilang na dito ang Best in talent na nakuha ni Lorna Okutani; Best in Filipiñana attire na nakuha ni Mildred Cruz; Best in Sports Wear na nasungkit ni Lourdes Rosacia; Best in production number na nakuha ni Mary Jocelyn Meman; People’s Choice Award o Señorita ng madla na ibinigay kay Marjorie Benito; Señorita kinis kutis at Señoritang Kaiganda o most photogenic nakuha ni Raquel Gossi; Ms. Studio pod choice award na nasungkit ni Adelina Guinto; at Señoritang Palakaibigan na iginawad kay Marites Tagal.
Sa huli, kinoronahan bilang 4th Runner-Up si Miles Cruz; 3rd Runner-Up si Lourdes Rosacia; 2nd Runner-Up si Teresita Barsatan; at First Runner-Up si Raquel Gossi.
Ang bawa’t nagwagi ay tumanggap ng Sash at Cash Prize mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ang Señorita ti Cagayan ay isa sa mga nakalinyang aktibidad ng Kapitolyo sa selebrasyon ng 442nd Aggao Nac Cagayan na naglalayong kilalanin at bigyang-halaga ang mga Senior Citizen sa lalawigan. Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ng Cagayan Provincial Health Office.






