Patuloy na tinututukan ng Kagawaran ng Agrikultura ang pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng “Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks” program upang makaagapay sa epekto ng krisis at tagtuyot na nararanasan sa probinsiya ng Cagayan.

Ngayong Martes, Mayo 19, 2026, isinagawa sa bayan ng Lasam ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa naturang sektor na dinaluhan nina Congresswoman Baby Aline Vargas-Alfonso at Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay

Batay sa datos ng Municipal Agriculture Office ng Lasam, aabot sa higit 3,000 benepisyaryo ang tatanggap ng tulong pinansiyal kung saan sinimulan ang unang batch ng distribusyon sa umaga habang isusunod ngayong hapon ang ikalawang bahagi.

Makakatanggap ng tig-P2,325 na tulong pinansiyal ang mga rice farmer, P10,000 sa mga corn farmer, at higit P3,000 sa mga mangingisda sa lugar.

Sa aktibidad, tiniyak nina Gob. Aglipay at Cong. Vargas-Alfonso ang patuloy na pagtutulungan upang maihatid ang kinakailangang suporta sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng krisis.

Samantala, kasama rin sa aktibidad sina Mayor Dexter Dante Agatep, Vice Mayor Dannah Agatep, Board Member Randy Ursulum, Board Member Kevin Timbas, at Board Member Vilmer Viloria.

Puspusan namang isinasakatuparan ngayon ng Ama ng Lalawigan ang mga programang magpapalakas sa kapasidad ng mga magsasaka at mangingisda sa Cagayan sa ilalim ng kanyang E. G. A. Y Governance Platform kaya’t siniguro ang maigting na ugnayan sa mga National Government Agencies sa bansa.