Pinatunayan muli ng Provincial Government of Cagayan (PGC) ang malasakit nito sa bawa’t barangay sa lalawigan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga bagong utility vehicle sa ilalim ng No Barangay Left Behind (NBLB) program sa pagnanais na walang mapag-iiwanan tungo sa pag-unlad.

Ang NBLB ay inisyatiba ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba mula nang maupo bilang Ama ng lalawigan na naglalayong suportahan ang bawa’t Cagayano alinsunod sa mga serbisyo at programang tutugon sa pangangailangan ng bawa’t isa sa lalawigan.

Ang mga moderno at makabagong sasakyang ipinamamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa bawa’t barangay ay nagsisilbing instrumento tungo sa mas mabilis at maayos na serbisyo para sa kanilang nasasakupan.

Nitong Disyembre 30, 2024, tumanggap ang 48 barangay ng Baggao ng tig-isang utility vehicle (multi-cab type) mula sa PGC. Ayon kay Baggao ABC President Albert Barcena, ang mga sasakyang ito ay nagdulot ng malaking kasiyahan sa mga opisyal at residente ng bawa’t barangay, kung saan itinuturing ito na isang regalo.

Batay sa salaysay ni Barcena, simula nang matanggap ito ay naging mahalagang bahagi na ng pang-araw-araw na operasyon ang naturang sasakyan.

Saad pa nito, malaking tulong at higit na napakikinabangan ang natanggap na sasakyan sa pamamagitan ng mas mabilis na paghahatid sa mga residenteng nangangailangan ng sasakyan, nagsisilbing service ng mga opisyal ng barangay tuwing may mga dadaluhang mahahalagang aktibidad, at maging ang pagsagip sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang tulong.

Dagdag pa niya, nagagamit din ang mga sasakyan sa iba pang mga gawain tulad ng paghahatid ng mga estudyante sa mga paaralan at sa mga atletang sasabak sa mga patimpalak.

“Hindi lang po sa pagresponde sa mga may problema sa medical attention or pagresponde ng peace and order sa barangay, mobility ng mga public official, minsan nagseserve din sa school kung merong mga patimpalak na kailangan pumunta ang mga pupils o player so ‘yun po yung ilan lamang sa nagiging function nitong naibigay na sasakyan sa barangay,” ani Barcena.

Sa patuloy na paghahatid ng mga programang magpapaunlad sa lalawigan ay patuloy namang binibigyang-diin ni Gov. Mamba na ang programang NBLB ay may layuning bigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng barangay sa Cagayan upang mapaunlad ang kanilang serbisyo.

Sa pamamagitan ng mga utility vehicle, ang dating mahirap maabot na lugar ay nagiging abot-kamay na, at ang bawa’t emergency ay nagkakaroon na ng agarang solusyon.

Ang programang ito ay simbolo ng pagbabago, malasakit, at tunay na serbisyo para sa mga Cagayano.

Iginiit pa ni Barcena at ng iba pang barangay officials sa kanilang lugar na nagsisilbi itong sagot sa pangangailangan ng bawa’t isa, sa bawa’t barangay ng lalawigan, nag-iiwan ito ng marka ng mas maliwanag na kinabukasan at pag-asa.

Habang patuloy ang pamamahagi ng mga sasakyan sa buong lalawigan, umaasa si Barcena na magpapatuloy ang ganitong klase ng suporta at programa mula sa PGC.

“In behalf of the liga ng Barangay ay malaking tulong po ito sa pagresponde sa mga may problema sa medical attention or pagresponde ng peace and order sa barangay. Sana mag tuloy-tuloy pa yung mga ganitong mga tulong o suporta sa barangay level, kung baga yung existing services na kaya naming ibigay ay mapabuti pa,” pagtatapos ni Barcena.

Sa pagmamalasakit ng PGC sa pamumuno ni Governor Mamba, ang Cagayan ay patuloy na nagiging modelo ng makataong serbisyong may malasakit at pagbabago tungo sa CAiGANDANG Cagayan.