Muling umarangkada ang Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamahagi ng educational assistance para sa 2nd Semester ng School Year 2023-2024 sa mga Agkaykaysa Scholar sa probinsya.

Ang pamamahagi ng educational assistance ay isa sa mga pangunahing mandato ni Gov. Manuel Mamba kung saan nakapaloob ang pondo nito sa ilalim ng No Barangay Left Behind Behind (NBLB) program upang matiyak na walang mga barangay at sektor ang mapag-iiwanan sa serbisyo ng pamahalaan.

Matagumpay na isinagawa ang unang araw ng distribusyon ngayong Martes, Hulyo 16, 2024 sa Cagayan State University-Piat Campus kung saan aabot sa 2,813 na mga Agkaykaysa Scholar ang tumanggap ng benepisyo mula sa PGC.

Ang mga benepisyaryong unang tumanggap ay mula sa anim na bayan ng Cagayan kung saan 529 beneficiaries ang galing ng Solana. Umabot naman ng 655 sa Amulung, 461 sa Tuao, 252 sa Piat, 394 sa Rizal, at sa 415 Sto Niño.

Kasunod nito, nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang isa sa mga Agkaykaysa Scholar na si Hector Maguddayao, mula sa Brgy. Pacac Pequeño, 4th yr. college sa kursong Civil Engineering ng CSU-Carig.

Aniya, apat na taon na siyang benepisyaryo sa programa ni Gov. Manuel Mamba at napakalaking tulong ito upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan habang siya ay nag-aaral. Saad pa nito, bilang mag-aaral na nakararanas ng kakapusan sa pinansyal na aspeto ay malaking bagay ang mapabilang sa scholarship program ng PGC upang matupad ang kaniyang pangarap.

“Naging maswerte ako na naging isa sa mga benepisyaryo dahil mismo yung aming pamilya ay kapos din po. Isa rin ito sa nakatulong sa amin lalo na’t 5 yrs yung course ko, nakatulong ito sa aking allowance, pambili ng libro at iba pang gamit sa eskwela. Kaya salamat kay Gov. Mamba dahil sa Agkaykaysa Scholarship maraming naiangat na buhay ng mga estudyante at napagtapos,” pahayag ni Maguddayao.

Pinangunahan naman ng Unang Ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang kinatawan ni Gov. Mamba ang distribusyon ng educational assistance para sa mga Agkaykaysa Scholar.

Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki nito ang mga nagawang mga proyekto at programa ng ama ng lalawigan dahil sa pagiging masinop nito at pagiging mabuting lider ng probinsya. Muli rin niyang hinikayat ang mga kabataan na pumili ng mabuting lider na magseserbisyo sa probinsya.

Ipinunto pa ng Unang Ginang na napakahalaga ng pagpili ng maaasahan at makataong lider upang matiyak na naibababa ang mga nararapat na serbisyo para sa kanyang mga nasasakupan.

“Importante na makialam tayo, importante na pumili tayo ng mga lider na gusto natin na manungkulan sa atin, importante na piliin natin yung mga tao na ang gusto lamang ibigay ang dapat at nararapat lalo na sa inyong mga kabataan. It is only in Cagayan that we have 11,480 Agkaykaysa Scholars, hindi pa kasama diyan ang Club Numero Uno at mga Scholar ng mga board member, ” saad ni Atty. Villarica-Mamba.

Nakasama sa nasabing aktibidad sina Francisco “Franco” Mamba III, Ex-Officio Board Member Jirowell Alameda, Consultant Vicente Binasoy, Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay, Provincial Treasury kasama ang mga emplyado ng Provincial Office for People Empowerment (POPE).

Samantala, ang pamamahagi ng educational assistance ay magpapatuloy naman bukas, Hulyo 17, 2024 sa Cagayan State University-Gonzaga Campus upang ihatid ang kaparehong tulong pinansiyal sa mga Agkaykaysa beneficiary mula sa mga bayan ng Sta. Ana, Gonzaga, at Sta. Teresita. Bukod dito ay hindi rin titigil ang mga empleyado ng PGC dahil nakalinya rin sa iba pang mga araw ang mga bayan na kinakailangan pang mahatiran ng kaparehong tulong.