Suportado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagsabak ng mga atleta ng Tuguegarao City Team na kakatawan sa probinsya ng Cagayan sa isasagawang National Basketball Training Competition (NBTC) na gaganapin sa Central State University, Nueva Ecija bukas, January 15-19, 2025.
Ayon kay Antonio Calimag ng Tuguegarao City Sports Office, mainit ang naging pagtanggap ni Governor Manuel Mamba at ng Unang Ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba sa naging pagbisita ng mga atleta nitong Lunes, Enero 13, 2024.
Aniya, aabot sa 15 na mga atletang mula sa University of Cagayan Valley (UCV) at Cagayan National High School (CNHS) ang sasabak sa NBTC matapos silang magwagi at mapili sa idinaos na Local Qualifying Tournament sa Lungsod ng Tuguegarao.
Lubos naman ang pasasalamat ni Antonio kay Gov. Mamba dahil kasabay ng kanilang pagbisita sa Kapitolyo ng Cagayan ay nagpaabot ang Gobernador ng financial at food assistance para sa mga atleta, coaches, at trainers na sasabak sa palaro.
Tiwala naman si Antonio sa naging paghahanda at pagsasanay ng mga kabataang atleta upang makondisyon ang kanilang mga sarili bago sumabak sa NBTC at upang maiuwi ang tagumpay at karangalan para sa Cagayan.