Sinimulan na ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagsasanay hinggil sa Geographical Information Systems (GIS) sa Sub-Capitol Bangag, Lal-lo, Cagayan, kahapon, Nobyembre 21, 2024.

Ayon sa PDRRMO, layon nitong makapagtatag ng sapat na kaalaman sa paggamit at kahalagahan ng GIS sa pagkalap at makita ang mga solusyon sa malubhang epekto ng kalamidad lalo na sa mga nararanasang sunod-sunod na bagyo.

Gagawin umano ang pagsasanay sa kada-araw ng Huwebes kasama ang mga rescuer ng lahat ng station ng Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT).

Sa pamamagitan ng pag-aaral ng GIS, nabatid sa PDRRMO na mapahuhusay ang kanilang grupo sa kakayahang bumuo ng sariling pagpaplano kaugnay sa mga kalamidad at mga lugar na mayroong panganib.

Kasama ng naturang tanggapan sa pagsasagawa ng pagsasanay ang World Food Programme (WFP) na itutuloy-tuloy hanggang sa susunod na taon.