Inaprubahan sa Provincial Health Board (PHB) meeting ang pagsasaayos ng Provincial Government of Cagayan Primary Clinic Laboratory.

Ito ay pinag-usapan kasabay ng 4th Quarter Provincial Health Board Meeting sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba, Chairman ng Provincial Health Board at si Dr. Rebecca Battung, Co-Chair ng PHB na isinagawa sa G.O Conference Hall, Capitol Main Building, Tuguegarao City.

Layon ng nasabing laboratory na magbigay ng mas maayos at abot-kayang serbisyong medikal para sa mahigit 4,000 na kawani ng Kapitolyo ng Cagayan sa oras na matapos ang gagawing pagsasaayos sa pasilidad.

Bukod sa mga kawani, bubuksan din ang Cagayan Primary Clinic Laboratory sa publiko lalo na sa mga Cagayano na nangangailangan ng mas malapit at abot-kayang laboratory services.

Ang pagsasakatuparan sa naturang pasilidad ay inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng PHO alinsunod sa mandato ng Universal Health Care Act upang mas maging “accessible” ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Cagayano.

Nakapaloob din sa inaprubahang Provincial Health Board Resolution na ang pagsasaayos sa pasilidad ay popondohan ng P1.7 milyon mula sa Annual Investment Plan (AIP) 2023.

Ayon kay Dr. Battung, mayroon nang dating laboratoryo nguni’t taong 2022 ay pinatigil ang operasyon nito sa pamamagitan ng cease and desist order dahil wala itong lisensya.

“May existing laboratory po kasi ang PHO but in 2022 they handed us cease and desist order since they don’t have a license to operate and probably just to make us upgrade our standards as well. So, this has been brought to the attention of the Governor, and he wants to render services people who are walking in. So nagkaroon ng AIP na pagbigyan po kami just to enhance or renovate, existing naman na po ang building and we have our equipment naman po kaya P 1.7-M lang siya,” ani Dr. Battung.

Dahil dito, isinulong ni Gob. Mamba ang proyekto upang matiyak na maipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa mga nangangailangan.

Ang PGC Primary Clinic Laboratory ay mag-aalok ng iba’t ibang serbisyo, kabilang ang hematology, clinical chemistry, clinical microscopy, immunology/serology, microbiology, at anatomic pathology.