Inihayag ni Gov. Manuel Mamba ang kanyang hangarin na magkaroon ng oportunidad ang bawat Cagayano sa mismong lalawigan ng Cagayan kasabay ng kanyang pagdalo bilang panauhin sa naganap na 2nd Regional Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Summit sa SM City Tuguegarao, ngayong Hulyo 11, 2024.

Ayon sa Gobernador, kailangan nang bumuo ng mga trababo at oportunidad sa probinsiya para hindi na kailangan pang magtungo sa ibang mga lugar o bansa ang mga Cagayano.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit puspusan ang kanyang hangaring muling buksan ang Port of Aparri upang maging daan para sa lalawigan sa mga karatig-bansa lalo na ang mga mayayamang bansa na nasa hilaga para sa malayang kalakalan. Ito rin aniya ang rason kung bakit una niyang tinapos na makongkreto ang lahat ng daan sa lalawigan para sa mabilis ang transportasyon ng produkto. Ganoon na rin nag pagsupil sa insurhensiya upang ligtas para sa mga mamumuhunan.

“It is now time to do something. Let us create opportunities for ourselves, for our province, and to our nation. Before I rest, I want a better Cagayano, a better Cagayan. Since, nabubuhay tayo ang nabebenta natin puro rice and corn sa Manila. Marami tayong kakompetensiya doon, dito mas malapit ang nasa norte, that is why I want to bring it back [port of Aparri]. We should be friends of every nation,” sambit ni Gov. Mamba.

Binuksan ang summit para sa mga negosyante mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon kung saan nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad. Ang pagtitipon ay naglalayong magbigay ng oportunidad sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) na mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan upang maging mas matatag at maunlad sa kanilang mga negosyo.

Inaasahang mapalakas ang lokal na ekonomiya at tagumpay ng mga negosyante sa kanilang komunidad pagkatapos maibahagi sa kanila ang mahahalagang aktibidad katulad ng forum sessions, trade fair, MSME Service Desks, Financial Services for MSMEs, E-commerce payment solutions, launching ng nutridense products for disaster relief packs, at ang MSMEs Awarding Ceremony.

Ang tema ng summit ngayong taon ay “Innovate to Elevate MSMEs: Thriving Beyond Limits, Enabling Growth, Resilience, and Global Competitiveness,” na pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Regional Director Ma. Sofia G. Narag at DTI Provincial Director Henry Conel Jr. at mga kawani ng nasabing tanggapan.