
“Walang uuwing talo dahil lahat panalo!”
Ito ang inihayag ni Sen. Mark Villar sa kasabay ng pagbubukas ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet kahapon, Abril 26, 2024.
Bilang panauhing pandangal ay hinikayat ni Sen. Villar ang mga atletang kalahok sa naturang palaro na panatilihin ang pagkakaisa at ang “friendly competition”.
Normal lamang aniya sa mga palaro na may iisang mananalo ng gintong medalya ngunit dahil sa dedikasyon ng mga atleta na irepresenta ang bandera ng kinabibilangang grupo ay malaking bagay na upang sila ay tanghaling kampeon.
“Alam ko naman na napakalaki ng inyong effort. Iyan ang kagandahan ng sports. Meron namang magkaka gold medal. Isa lang ang magkakagold medal but in the end, all of you today here are winners. There is no loser in sports because you win when you put the effort and you should always remember that,” ani Sen. Villar
Pinuri rin nito ang pagpupursigi ng mga atleta lalo na ang kanilang pinagdaanang mahabang panahon ng pagsasanay dahil sa kabila ng pagod ay nanatili ang kanilang dedikasyon upang tumindig at ibandera ang kanilang kinabibilangang lalawigan at lungsod.
Aniya, kakaiba ang saya tuwing sumasali ang mga atleta sa mga kompetisyon sa iba’t ibang larangan ng palakasan ngunit dapat na baunin nila ang aral na dulot nito tulad ng maayos na samahan o pagkakaibigan at maging ang pagkaisa dahil ang sentro ng lahat ng ito ay upang mabigyan ng karangalan ang buong Rehiyon Dos.
“Iba ang excitement pag may kompetisyon pero importante na baunin ang mga aral na natututunan sa ganitong nga palaro. Alam niyo po sa sports isa lang ang makakakuha ng gold medal pero lahat po kayo ay winners na. Lahat po kayo ay panalo dahil marami kayong mga naging kaibigan dahil sa sports at siyempre po napakalaki ng inyong effort para makapag compete sa ganitong klaseng sports event. Alam naman natin na ilang hours ang inyong praktis para maging competitive kayo,” pahayag ng Senador.
Hinikayat din ni Sen. Villar ang mga atleta na gawin ang lahat ng kanilang makakaya anomang larangan ang kanilang sasalihan dahil sa huli aniya ay mas masayang lumaban na ibinubuhos ng isang atleta ang kanyang kakayahan at ito ang tunay na diwa at simbolo ng pagiging kampeon sa CAVRAA 2024 meet.
Samantala, ipinunto naman ni City of Ilagan Mayor Jose Marie Diaz na bagamat nasa palaro sila at dinidipensahan ang bandera ng bawat isa ay hindi dapat manaig ang pagkakabahabahagi dahil sa kulay na inirerepresenta ng bawat team ng mga atleta.
Lagi aniyang isipin ng mga delegado na sila ay sumabak sa palaro hindi lang para sa kompetisyon kun’di upang magkaisa sa paghahanda at pagpili sa pinakamagagaling na mga atletang lalaban para sa bandera ng buong Rehiyon Dos sa mga national at international competition. Kaya naman dapat aniyang panaigin ang pagkakaibigan at kooperasyon para sa pagbuo ng malakas na alyansa at nagkakaisang puwersa para sa karangalan ng rehiyon.
“Individually we have our own colors. We take pride of it, because this is the symbol of the team that we represent. But we must not be blinded by the division of colors that we have. We must remember that up and above this colors make up the rainbows in the sky. I must remind you that we are not just here to compete but we are here to select that will make strong Cagayan Valley team that will battle against the best in the country,” saad ni Mayor Diaz.