Ipinarating ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor ang kanyang labis na pasasalamat sa mga miyembro ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa patuloy na paghahanda at pagsasakripisyo sa kabila ng sunod-sunod na nararanasang kalamidad sa probinsiya.
Sa ginanap na virtual meeting ng Cagayan PDRRMC ngayong Lunes, Disyembre 09, 2024 na pinangunahan ni PA Atty. Mamba-Villflor bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba na siyang Chairman ng council, sinabi nito na kailangan ang patuloy na paghahanda dahil mataas ang banta ng pagbaha na dulot ng pag-uulan na nararanasan.
Ayon kay Atty. Mamba-Villaflor, kailangan na magkaisa at suportahan ang bawa’t isa para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa banta ng anumang kalamidad.
Aniya, bagama’t walang binabantayang sama ng panahon o bagyo sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay mataas pa rin ang banta ng pagbaha dulot ng Shear Line at Hanging Amihan na nakaaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon.
“We hope to continue to support each other…let us all be assured that the Provincial Government is always ready to extend necessary assistance so we can ensure the security of our communities from disaster,” saad ni PA Atty. Mamba-Villaflor
Samantala, kasabay ng pagpupulong ay inaprubahan ng council ang resolution number 15 series of 2024 o ang Cagayan contingency plan sa storm surge, earthquake, tsunami, landslide volcanic eruption, at liquefaction o ang water saturated na dahilan ng paglambot ng lupa.
Bukod dito, inaprubahan din ang resolution number 14 series of 2024 o “reprogramming” ng PDRRMO special trust fund na may kabuuang P6,925, 000.
Sa naging presentasyon ng Provincial DRRM Office, ang nasabing halaga ay gagamitin sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga residente na labis na naapektuhan ng mga magkakasunod na bagyo nitong nakalipas na buwan.
Kasunod nito, ipapasa na ang inaprubahang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan para naman sa kaukulang pag-aaral at pag-apruba.