Masayang tinanggap ng mga barangay foot soldier at mga vulnerable sector ang kanilang honoraria at tulong pinansiyal na bahagi ng programang No Barangay Left Behind (NBLB) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ngayong Huwebes, Disyembre 18, 2025, mahigit 2,600 benepisyaryo ang personal na tumanggap ng tulong sa pangunguna ni Gobernador Edgar ‘Manong Egay’ Aglipay.

Sa naturang bilang, 1,039 dito ang mula sa bayan ng Baggao, 609 naman sa Alcala, at 1,026 sa bayan ng Gattaran.

Kasama sa mga tumanggap ng tulong ang 803 Barangay Health Workers (BHW), 124 Barangay Nutrition Scholars (BNS), 1,145 Barangay Tanod, 67 Daycare Workers (DCW), 324 na Person With Disabilities (PWD), at 150 na kga Solo Parent.

Sa mensahe ni Gob. Aglipay, kanyang muling tiniyak ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga barangay at sa mga sektor na kadalasang nangangailangan ng tulong upang masiguro ang lahat ay hindi maiiwan sa pag-unlad ng lalawigan.

Samantala, ang NBLB program ay naglalayong matulungan ang iba’t ibang sektor, barangay, at munisipalidad upang masiguro na walang mapag-iiwanan sa probinsya tungo sa pag-unlad.

Ang distribusyon ay isinagawa sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO), Provincial Treasury Office, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Office for People Empowerment (POPE), ilang kawani ng Kapitolyo ng Cagayan, at mga opisyal ng nasabing mga bayan.