Namamahagi ng G.I sheets ang Oplan Tulong Cagayan sa mga bayan-bayan na nasalanta ng nagdaang mga bagyo sa lalawigan ng Cagayan ngayong araw, ika-21 ng Setyembre, 2023.
Ang Oplan Tulong Cagayan ay inisyatibo ni Unang Ginang Atty. Mabel Villarica-Mamba para sa mga nasalanta ng kalamidad. Ito ay itinatag noong 2016 nang pinasok ng malalakas na bagyo ang Cagayan. Nangangalap ng mga donasyon na in cash at in kind upang makatulong sa Provincial Government of Cagayan sa calamity relief.
Ayon kay Bonifacio Cuarteros, SWO IV ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), nag-umpisang namigay ng mga G.I sheets noong ika-19 ng Setyembre hanggang ngayong araw, ika-21 ng buwan.
Umabot na sa labing isang munisipalidad ang inikot ng grupo sa pangunguna ng Unang Ginang Atty. Mabel Villarica-Mamba kasama ang mga kawani ng PSWDO upang mamahagi sa mga lubos na nasalanta ang kanilang mga tahanan nitong mga nagdaang bagyo.
Ang 11 bayan na ito ay kinabibilangan ng Claveria, Pamplona, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Lallo, Camalanuigan, Buguey, Sta. Teresita, Gonzaga, at Sta. Ana.
Sa mga bayang nabanggit ay nakakitaan ito ng 387 na benepisyaryo na nasiraan ng kanilang tahanan kung kaya’t sa pamamagitan ng 2,288 na mga yerong ipinamahagi ng grupo ay makatutulong ito sa muling pagsasaayos sa kanilang mga tahanan.
Sa ngayon, patuloy pa ring pupuntahan ng grupo ang ilan pang bayan na may mga nasalantang kabahayan para mabigyan ng yero o G.I sheets.