
Inilunsad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Farmers Fiield School Season-Long training sa vegetable production sa Solana, Cagayan nitong Abril 24, 2026.
Ang produksiyon ng gulay sa bayan ng Solana ay may layuning palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng gulay upang mapataas ang produksiyon, ani, at kita ng mga magsasaka at pamilyang Cagayano.
Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist, ang FFS training ay isasagawa sa loob ng 16 na linggo o hanggang sa buwan ng Agosto 2026 sa Lannig, Solana, Cagayan.
Nilahukan aniya ito ng 47 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa Solana ang pagsasanay sa tamang pagpili ng binhi, paghahanda ng lupa, seedling production, tamang pagtatanim, pamamahala ng sustansya at pataba, integrated pest management, at wastong pag-aani at postharvest handling.
Kaugnay nito, ang pagsasanay ay pangungunahan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) na binubuo nv mga kawani ng OPA na magsisilbing pangunahing tagapagpadaloy ng mga lectures at hands-on training.
Samantala, ang inilunsad na training ay dinaluhan nga mga opisyal at kawani ng Municipal Agriculturist Office ng Solana sa pangunguna ni Municipal Agriculture Officer Engr. Monico R. Castro Jr., kasama si Brgy. Captain Rowell A. Rances ng Lannig bilang pagpapakita ng kanilang buong suporta sa programa.






