“Isang karangalang maging Itawit, Tuaoeño, Cagayano, at Pilipino”
Ito ang palaging sambit at bitbit ng I-Sing-World 2023 Grand Champion Vocal Duet na si Joseph Magalad Billeza sa bawat kompetisyon na kanyang sinasalihan sa national man o international stage.
Nito lamang nakaraang buwan ng Nobyembre lumipad si Billeza sa Kuala Lumpur, Malaysia para sumabak sa I-Sing-World Finals 2023 kung saan siya ang nagsilbing kinatawan ng bansa para sa prestihiyosong patimpalak at dito nakasama ni Billeza ang mahigit 300 na kalahok mula sa 25 bansa sa buong mundo.
Sa isang linggong kompetisyon, pumasok sa grand finals si Billeza para sa Vocal Solo Category kung saan inawit niya ang mga pyesang ‘The Prayer’, ‘Kastilyong Buhangin (Native Language)’, at ‘The Impossible Dream’.
Samantala, inuwi naman ni Billeza ang kampeonato sa Vocal Duet Category kasama ang 10-year old Celebrity kid mula sa Bulgaria na si Paola Yordanova at inawit ang mga awiting ‘Never Enough’ at ‘Beauty and the Beast’.
Plano ngayon ni Billeza na ipagpatuloy ang nasimulang karera sa larangan ng pag-awit dahil di lamang ito ang unang pagkakataon na nag-uwi siya ng karangalan para sa bansa. Dati na ring nag-uwi ng medalyang bronze at silver medals si Billeza taong 2018 matapos pumasok bilang finalist sa World Championships of Performing Arts sa USA.
Sa ngayon, nakalinya na rin ang mga konsyerto at theater shows na sasalihan at pagbibidahan ni Billeza kasama ang mga premyadong aktor sa bansa.
Si Billeza ay isang “proud itawit” mula sa Brgy. Alabug, Tuao West, Cagayan.